Monday, February 17, 2014

Ehemplo




Ehemplo
Rey Marfil


Patuloy na ipinapakita ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang isang lider sa konteksto ng pagiging magandang halimbawa nang personal na mag-renew ng kanyang driver’s license noong naka­lipas na Pebrero 6 o dalawang araw bago ang kanyang ika-54 na kaarawan.

Personal na nagtungo ang Pangulo sa Land Transportation Office (LTO) sa Tayuman, Manila katulad ng ginagawa ng ordinaryong mga tao tuwing kumukuha ng lisensiya.

Kagaya ng ibang mga aplikante, matiyagang pumila si PNoy sa kabila ng kanyang napakahigpit na mga iskedyul para ipakita ang kanyang sense­ridad na isulong ang promosyon ng pagkakapantay-pantay.

Matatandaang ibinasura ni PNoy ang tinatawag na wangwang mentality sapul noong manungkulan sa kapangyarihan noong 2010.

Sa katunayan, maraming aplikante ang natuwa at nasorpresa nang makita ang Pangulo na nakapila habang hinihintay na matawag ang kanyang pa­ngalan kung saan bumati ang mga nakasabay habang nagpakuha naman ng larawan ang iba.

Ito ang katulad na lider na kailangan ng bansa upang lalong maisulong ang promosyon ng mga reporma sa Pilipinas.

***

Panibagong magandang balita ang deklarasyon ng pamahalaan sa pamamagitan ng Department of Agriculture (DA) na nakamit nito ang 97-porsiyentong “rice self-sufficiency” o sapat na suplay ng bigas noong nakalipas na taon.

Patunay na hindi tinatalikuran ng pamahalaan ang pag-abandona sa magandang programa na ma­ging sapat na ang produksiyon ng bigas sa bansa para sa pangangailangan ng mga Filipino.

Isa ang bigas sa pangunahing pagkain sa bansa at hindi natin makakamit ang sapat na suplay ng pagkain sa buong Pilipinas kung hindi magiging eksakto para sa mga Filipino ang suplay ng bigas.

Nakatutok din ang DA sa promosyon at produksiyon ng tinatawag na high value crops na mayroong potensiyal sa pandaigdigang merkado katulad ng saging at pinya.

Nasa likod din ang DA sa pagyayaman sa produksiyon ng organikong mga prutas katulad ng dra­gon fruit.

Bahagi naman ang mga ito ng mga reporma sa ilalim ng matuwid na daan na kampanya ni Pangulong Aquino.

 Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: