Wednesday, February 26, 2014
Gets mo ba ang Edsa?
Gets mo ba ang Edsa?
Rey Marfil
Ano ‘yun? Kapag ito ang sagot mo kapag tinanong ka tungkol sa Edsa People Power 1 revolution, malamang hindi ka pa ipinapanganak noon, o mahina ang history mo, o pwede ring sadya kang walang paki sa nangyari noong Pebrero 1986.
Ngayong taon, sa unang pagkakataon ay ginawa sa labas ng Metro Manila ang paggunita sa makasaysayang rebolusyon noong 1986, kung saan mapayapang nag-aklas at napatalsik ng mga tao ang diktaturyang rehimen ni Ferdinand Marcos Sr., na nanungkulan sa Pilipinas sa loob ng may 20 taon.
Mantakin mo nga naman, 28 taon na pala ang nakararaan nang protektahan ng mga walang armas na mga sibilyan ang tropa ng mga sundalo at pulis na kumalas ng suporta kay Marcos na nagkuta sa Kampo Aguinaldo sa Edsa.
Sa tagal na ng panahon, maaaring marami na nga sa mga kabataan ngayon ang hindi alam ang kasaysayan ng people power revolution na hinangaan ng buong mundo, at isinagawa na rin sa ibang bansa ng mga mamamayan nila na naghangad ng pagbabago sa kanilang gobyerno sa mapayapang paraan at walang pumapatak na dugo.
Ngayong taon, sa Cebu ginawa ang paggunita o reenactment ng “Salubungan”, o ang pagtatagpo ng puwersa ng sibilyan at sundalo para ipanawagan ang pagbaba sa kapangyarihan ni Marcos. Pero sa pagkakataon ngayon, may bagong rebolusyon ang dapat maganap; dapat magkaisa muli ang mga Pilipino sa pagtulong sa mga biktima ng kalamidad at paglaban pa rin sa kahirapan.
Isinagawa ang paggunita sa diwa ng Edsa 1 ngayong taon sa labas ng Metro Manila dahil pinili ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na makasama ang mga biktima ng bagyong Yolanda sa Bantayan Island sa Cebu.
Makikipagpulong din siya sa mga nakaligtas sa nabanggit na delubyo sa Leyte. Ayaw din kasi ng Malacañang na makadagdag pa sa matinding trapik ngayon sa Edsa kung doon nga naman magsasagawa ng “Salubungan” at programa sa Edsa Shrine.
***
Mahalagang malaman at manatili sa kaisipan ng bagong henerasyon ang diwa ng Edsa 1 People Power revolution dahil sila ang maituturing na nagmana ng pagkakaisa ng mga mamamayan na pumalag sa diktaduryang rehimen. Kung hindi nangyari ang mapayapang pag-aaklas, sino nga ba ang nakakaalam kung ano na ang kalagayan ng Pilipinas ngayon.
Ang kabataan ngayon ang magtuturo at magbibigay ng paalala sa susunod na henerasyon tungkol sa pagkakaisa ng mga mamamayan upang makamit natin ang demokrasya. Mahalagang magpatuloy ang pagbibigay ng kaalaman sa mga kabataan tungkol sa diwa ng Edsa 1 People Power revolt hindi lang sa mga nasa Metro Manila, Visayas, kundi maging sa Mindanao at buong bansa.
Sa pabilis na paglipas ng panahon at pagkakaroon ng mga bagong pinagkakaabahalan ang mga kabataan, hindi dapat mawala sa kanilang kaalaman na minsan sa isang yugto ng kasaysayan ng Pilipinas ay nagtipun-tipon ang mga Pilipino, hindi magkakakilala, pero pinagbuklod ng iisang mithiin na ipaglaban ang tama, ang demokrasya at alisin ang diktaturyang rehimen para sa paghahangad na makapagsimulang muli ang bansa.
Sa ngayon, marahil sa kamalayan ng maraming kabataan na isang malawak na kalsada na ubod ng trapik at dinadaanan ng MRT ang Edsa. Pero sa pamamagitan ng patuloy na paggunita ng Edsa People Power 1 revolt, magi-gets din nila na higit pa sa kalsada at trapik ang nakatatak sa kalsadang ito. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment