Friday, February 21, 2014
Kakaiba si Mujiv!
Kakaiba si Mujiv!
ReyMarfil
Sa ginanap na ikalawang ARMM-LGU Summit on Governance and Development sa Davao City kamakailan, naging emosyunal si ARMM Gov. Mujiv Hataman sa kanyang talumpati dahil maaaring iyon na ang huling pagtitipon nilang mga dumalo sa pulong kasama si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino dahil na rin sa binubuong Bangsamoro Entity na papalit sa ARMM.
Hindi naman kataka-taka na maging emosyunal si Hataman dahil masasabing “baby” nila ni Pangulong Aquino ang ARMM sa aspeto na baguhin ang imahe ng rehiyon na nakilala noon bilang sentro ng dayaan at karahasan tuwing halalan.
Idagdag pa natin diyan ang kaliwa’t kanang alegasyon ng mga katiwalian at sandamakdak na “multo” -- mula sa mga ghost projects, ghost teachers, ghost students, ghost employees at kung anu-ano pang kalokohan na “ghostong” gawin ng mga kurakot na opisyal.
Pero mula nang italaga ni PNoy si Hataman bilang officer in charge sa ARMM, hanggang sa manalo na siya bilang gobernador sa nakaraang 2013 elections, malaki na ang pagbabagong naganap sa rehiyon.
Bukod na naging mapayapa ang mid-term at barangay elections, mistulang na-exorcise na rin ang mga multo.
Nakakasahod na oras ang mga kawani katulad ng mga guro, nababayaran na ang mga dapat na mabayarang kontribusyon, naipatupad ang mga programa at proyekto, at nanunumbalik na ang tiwala ng mga tao sa liderato ng gobyerno.
Ang pagkakaroon ng koleksiyon o kita ng ARMM noong 2013 na P1.25 bilyon, na mas mataas sa target ng Office of the Regional Treasurer na P1.24 bilyon, ay isang dahilan para bumilib nang lubos si PNoy sa pamamahala ni Hataman at mga opisyal nito sa pagpapatakbo sa rehiyon na ilang taong napabayaan ng mga nagdaang gobyerno at mga namahala sa kanila.
***
Idagdag pa na tinanggap ni Hataman ang pakiusap ni PNoy na pamunuan ang ARMM sa kabila ng kaalaman na hindi basta-basta ang mga taong maaari niyang makabangga sa ipatutupad niyang mga reporma upang tumino ang pamamalakad sa rehiyon.
Higit sa lahat, batid ni Hataman na hindi gaya ng mga nagdaang pinuno ng ARMM na tila for life ang nais na paghawak sa kapangyarihan, kay Hataman ay maliwanag pa sa sikat ng araw ang plano ni PNoy na isulong ang Bangsamoro Entity na papalit sa ARMM, na magbibigay daan sa bagong pamunuan sa rehiyon.
At ang lahat ng ito ay para sa iisang layunin ni PNoy, ang makamit ang kapayapaan sa Mindanao, na bukas palad namang sinuportahan ni Hataman.
Sa naturang pagpupulong sa Davao City, nanawagan si PNoy sa mga mamamayan ng ARMM na bigyan ng pagkakataon ang bubuuing Bangsamoro Entity. Kasabay ito ng garantiya ng Pangulo na hindi na mauulit ang nangyari sa nadaan na mapapako ang mga ipinangakong kaunlaran sa rehiyon sa pagtatayo ng autonomous region.
Mas maganda nga naman na muling magtanim ng panibagong punla ang mga mamamayan sa Mindanao na kanilang aalagaan upang sa sandaling yumabong ang halaman ay sila rin naman ang makikinabang sa bungang ibibigay nito.
Kung handang magsakripisyo ang mga lider ng ARMM sa pangunguna ni Hataman alang-alang sa katahimikan at ikauunlad ng rehiyon, bakit hindi rin ito gawin ng iba pang lider sa Mindanao at bigyan ng pagkakataon ang Bangsamoro Entity kung tunay nilang mahal ang kanilang mga kababayan. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment