Wednesday, February 12, 2014
Lumago!
Lumago!
Rey Marfil
Magandang balita sa pagpasok ng 2014 ang pagkilala sa Pilipinas bilang ikalawang bansa sa Asya na mayroong pinakamabilis na pag-asenso ng ekonomiya sa tulong ng matuwid na daan at malinis na pamamahala ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino.
Sa huling quarter ng 2013, nakapagtala ang Pilipinas ng 6.5% paglago ng ekonomiya, dahilan upang umabot sa 7.2% ang gross domestic product (GDP) ng bansa sa buong 2013.
Mabuti ito dahil siguradong nakakalikha ng karagdagang mga trabaho sa iba’t ibang sektor ang patuloy na paglakas at paglago ng ekonomiya ng bansa.
Inihayag ang magandang balita ni Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan, director general din ng National Economic and Development Authority (NEDA), kung saan sumegunda ang Pilipinas sa China na nakapagtala naman ng 7.7% paglago ng ekonomiya.
Malaki ang naitulong ng malinis na pamamahala ni PNoy dahil napanatiling malakas ang ekonomiya ng bansa at nalampasan ang anim hanggang pitong porsiyentong target na pag-asenso sa pagtatapos ng 2013.
Sino pa nga bang mag-aakalang kakayanin pa rin ang ganitong performance matapos bayuhin ang Pilipinas ng serye ng mga trahedya sa nakalipas na taon.
Matindi kasi ang pinsala ng lindol na tumama sa Bohol at iba pang mga lalawigan, kaguluhan sa Zamboanga City at mga bagyo, partikular ang Yolanda.
Sa taong 2014, nanatili ang posisyon ng pamahalaan, ayon kay Balisacan, na makakamit ang tinatayang 6.5% hanggang 7.5% paglago ng ekonomiya.
Nangangahulugan na patuloy na magbubunga ang matuwid na daang kampanya ni PNoy sa paglago ng ekonomiya ng bansa.
***
Bahagi ng patuloy na reporma ang desisyon ni PNoy na buwagin ang tatlong hindi pinakikinabangang government-owned and/or controlled corporations (GOCCs) kung saan dalawa sa tatlo ang nasangkot sa P10-bilyong anomalya sa paggamit ng pork barrel funds sa “ghost projects”.
Kinilala ng Governance Commission for GOCCs (GCG) ang tatlo na Philippine Forest Corp. o PFC, ZNAC Rubber Estate o ZREC, at National Agri-Business Corp. o NABCOR.
Natukoy ang PFC at ZREC na GOCCs na nasa likod ng maanomalya umanong paglalaan ng ibinasurang Priority Development Assistance Fund (PDAF).
Napatunayan naman na nalulugi ang NABCOR kaya dapat na itong buwagin.
Umaksiyon ang Pangulo dahil na rin sa mga proyekto ng PFC at ZREC na ipinatupad gamit ang pekeng non-government organizations (NGOs) na konektado sa nakabilanggong negosyanteng si Janet Lim-Napoles.
Asahan na nating iuutos pa ni PNoy ang pagbuwag sa ilan pang hindi kapaki-pakinabang na GOCCs dahil sa isyu ng pagkalugi at duplikasyon ng trabaho sa ibang mga ahensiya.
Sa ngayon, pinag-aaralan ng GCG ang posibleng pagbuwag o pagsasapribado ng Technology Resource Center and National Livelihood Development Corp.
Sa ilalim ng matuwid na daan na kampanya ni Pangulong Aquino, asahan nating mabubuwag ang non-performing GOCCs para matipid ang pondo ng pamahalaan na magagamit ng mga taong nangangailangan. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment