Wednesday, February 19, 2014
Pang-unawa!
Pang-unawa!
Makatwirang unawain natin ang posisyon ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na hindi magbigay ng paumanhin sa Hong Kong kaugnay sa pagkasawi ng walong Hong Kong nationals na turista sa hostage crisis na naganap sa Lungsod ng Maynila noong 2010.
Kung gagawin kasi ito ng Pangulo, siguradong mahaharap sa malaking legal na problema ang pamahalaan at hindi lingid sa kaalaman ng mga “nagmamagaling” ang magiging kabayaran, sinuman ang nakaupo sa Malacañang.
Ika nga ni Mang Kanor: Hindi rin naman nagbayad ng anumang kompensasyon ang China sa pamilya ng mga Pilipino na nasawi sa karahasang nangyari sa kanilang bansa.
Sigurado namang tatalima ang mga opisyal ng pamahalaan na apektado ng visa requirement na ipinatupad ng pamahalaang Hong Kong kaya’t walang nakikitang problema si Mang Gusting.
Ang hirit nga nina Mang Kanor at Mang Gusting, maiintindihan naman talaga ang posisyon ng Pangulo at mahalagang suportahan ng mga Pilipino ang kanyang posisyon, maliban kung nilamon na rin ang kamalayan ng mga kritiko sa naglipanang China made?
Tanging pakiusap ng mga kurimaw, hindi dapat idamay ang mga Pilipinong naghahanapbuhay lamang sa Hong Kong at nawa’y walang kinalaman ang pag-iingay para i-pressure ang pamahalaang Pilipinas sa joint exploration na tinatarget ng China sa pinag-aagawang teritoryo.
***
Importanteng umalalay ang mga Pilipino sa posisyon ni PNoy na humingi ng suporta sa internasyunal na komunidad kaugnay sa patuloy na mistulang pananakop ng China sa West Philippine Sea alang-alang sa kabutihan ng nakakarami.
Sa aksiyong ito ng China na naging dahilan upang manawagan ng suporta si Pangulong Aquino, tama siya sa pagbalik-tanaw sa kasaysayan kaugnay sa kabiguan ng mga bansa sa Kanluran na suportahan ang Czechoslovakia laban sa mga kagustuhan ni Adolf Hitler para sa Sudetenland noong 1938.
Hindi dapat umayon ang mga Pilipino sa isang bagay na mali at maninidigan tayo na hindi isusuko ang mga teritoryong bahagi ng Pilipinas.
Mabutin ring narinig natin mismo sa Pangulo ang kanyang positibong pananaw kaugnay sa nalalapit na kasunduan ng Pilipinas at United States (US) para lalong mapalakas ang seguridad ng bansa.
Sa kabila ng lahat, mauunawaan natin ang alinlangan ng Pangulo na itaas ang badyet ng militar dahil siguradong maaapektuhan nito ang ilang mga sosyal na serbisyo sa bansa.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment