Buhay ang pag-asa! | |
REY MARFIL Sa marami nating kababayan lalo na doon sa mga nakaranas ng matinding pagsubok sa buhay bunga ng mga trahedya gaya ng lindol, baha at karahasan, malamang na iniisip nila na sadyang malas yata talaga ang numero “13”. At sa pagtatapos ng 2013, bagong pag-asa ang sasalubungin nating lahat sa taong 2014. Sa taong ito ng 2013, minsan pang nasubok ang katatagan ng mga Pilipino, at ng administrasyon ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino. Sa kabilang banda ng mga problema, muli namang nangibabaw ang pagmamalasakit natin sa isa’t isa. Nalaman din natin na hindi lang sa ating mga kababayan tayo puwedeng sumandal, kundi maging sa ating mga ka-planeta sa mundo. Bumuhos ang tulong at pakikiramay mula sa iba’t ibang bansa para sa mga sinalanta ng bagyong “Yolanda”. Mantakin n’yo, pati ang mga sikat na personalidad sa mundo ay gumawa ng kani-kanilang paraan para makatulong. Ang mga ordinaryong mamamayan sa iba’t ibang panig ng mundo, naghandog ng munti nilang makakaya para sa mga taong hindi naman nila kalahi. Ang katatagan ng ating mga kababayan na harapin ang pinakamabigat na krisis sa kanilang buhay, hinangaan ng marami, maging ng mga lider ng iba’t ibang bansa at mga kilalang tao. Ang ipinakitang pagmamalasakit ng mundo sa mga Pilipino ay mistulang kamay na bumubuhat at umaalalay sa atin para bumangon sa pagkakabagsak. Dahil “hilo” pa tayo sa mga binitiwang banat ni “Yolanda”, malaking bagay na may aalalay sa atin para makaupo man lang para mahimasmasan. Kapag kaya na natin, e ‘di tuluy-tuloy na tayo sa pagtayong muli at handa na namang sumabak sa laban sa kalamidad. Pero kung iisipin, ano na lang kaya ang mangyayari sa bansa natin kung kinakabayo tayo ng kalamidad at pagkatapos ay bagsak pa ang ekonomiya? Mabuti na lang at nagawa ni PNoy na mapatatag ang ekonomiya ng bansa sa tatlong taon ng kanyang panunungkulan. *** At dahil nasa maayos ang estado ng pananalapi ng bansa at matatag din ang larangan ng ating pulitika at pamamahala, kahit papaano ay naging mabilis ang pagkilos ng mga kinauukulang ahensya para maisaayos ng paunti-unti ang pamumuhay ng mga taong naapektuhan ng mga kalamidad. Marahil ang matatag na kalagayan ng ekonomiya at maayos na gobyerno ang ilan sa mga dahilan kaya nananatiling puno ng pag-asa ang marami sa ating kababayan sa 2014. Marami ang naniniwala na mas magiging maganda ang ating ekonomiya sa susunod na taon. Katunayan, sa kabila ng mga trahedya, ipinapalagay ng mga ekonomista na mananatili pa rin sa 7% ang economic growth ng ating bansa sa pagtatapos ng taon. At maganda pa rin ang nakikita nilang takbo ng ekonomiya ng bansa maging sa susunod na taon. Bakit nga naman hindi, sa laki ng pondong gugugulin para sa rehabilitasyon ng mga sinalantang lugar ng lindol, bagyo, at kaguluhan, asahan na lilikha ito ng napakaraming trabaho dahil sa itatayong mga bahay, gusali, kalsada at iba pang mga istruktura. Bukod pa diyan, matitiyak din natin na ang lahat ng pondong laan sa rehabilitasyon ay magagamit ng wasto kaya itinalaga ni PNoy bilang rehabilitation czar ang hindi makukurap na si dating Sen. Ping Lacson na kailanma’y hindi nasilaw sa pork barrel. Sa gagawing pagbangon ng mga kababayan nating sinalanta ng kalamidad, mapapatunayan din natin ang kasabihan na may bagong bukas sa kabila ng kalamidad lalo pa’t parehong walang hilig sa pera sina PNoy at Ping, nangangahulugang bawat sentimong donasyon o bahagi ng rehabilitasyon, ito’y mabibilang. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com) |
Friday, January 3, 2014
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment