Expected ‘yun! | |
Mahigit dalawang taon pa bago ang May 2016 presidential election; at habang abala ang pamahalaang Aquino sa paghahanap ng paraan para maibalik sa normal ang pamumuhay ng sinalanta ni ‘Yolanda’, may ilan naman na tila gigil nang mapag-usapan o kaya naman ay kulang sa pansin at nais na mapag-usapan.
Nitong mga nagdaang linggo o bago sumapit ang Pasko, may mga humihirit na alang-alang sa diwa ng Pasko ay dapat dalawin daw ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa kanyang “detensyon” si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Ngunit bago ang mga pang-uurot na “dalaw”, may mga humihirit pa na dapat daw payagan ni PNoy si Mrs. Arroyo na makalabas ng “hospital arrest” nito sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC), dahil pa rin daw sa diwa ng Pasko.
Pero kung tutuusin, wala naman sa kapangyarihan ni PNoy na palabasin ng VMMC si Mrs. Arroyo at sa halip ay nasa desisyon na iyon ng Sandiganbayan na dumidinig sa kanyang mga kaso kabilang na ang pandarambong sa pera ng bayan.
At sa pagsapit nga ng Pasko, ilang kilalang personalidad ang bumisita kay Mrs. Arroyo sa VMMC katulad nina dating Pangulong Fidel Ramos at Joseph Estrada, dating presidential candidate Eddie Villanueva, at retired Archbishop Oscar Cruz. Pero hindi si PNoy.
Bakit hindi dapat bisitahin ni PNoy si Mrs. Arroyo sa Veterans hospital gayung dati naman itong lider ng bansa? Bakit sina FVR at Erap eh bumisita kay Mrs. Arroyo, bakit si PNoy hindi?
Maliban sa simpleng paliwanag ng Malacañang na hindi prayoridad ngayon ni PNoy ang bisitahin si Mrs. Arroyo dahil marami ang higit na dapat bigyan ng prayoridad gaya ng pagbangon ng mga kababayan nating sinalanta ng bagyong ‘Yolanda’, dapat ding alalahanin na may nakabinbin kasong isinampa ang pamahalaan laban sa dating pangulo.
***
Hindi biro ang mga kasong isinampa ng gobyernong Aquino laban kay Mrs. Arroyo dahil mga kasong katiwalian ito tulad ng umano’y paggamit ng pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office at Malampaya funds, at iba pa.
Kung bibisita si PNoy kay Mrs. Arroyo, tiyak na mahahaluan ito ng pulitika at gagana ang imahinasyon ni “Kulas” para gumawa ng kung anu-anong “espekulasyon”.
Gaya na lang ng pagbisita nina FVR at Erap na kaagad binigyan ng espekulasyon tungkol sa umano’y “alyansa” kasama si Mrs. Arroyo para sa 2016 upang sumuporta sa kanilang mamanukin. Tinawag pang “Triple Ex” ang posibleng alyansa, na bagaman magandang pakinggan pero may pagkamahalay din sa kabilang banda… parang “XXX” rated.
Idagdag pa ang pagpunta ni Arch. Cruz na dating kritiko ni Mrs. Arroyo pero ngayon ay tila “friends” na sila. Kasi naman, ang “un-friend” ngayon ng dating arsobispo ay si PNoy. Kaya’t ang tanong ng mga kurimaw: Bakit ba mainit ang ulo niya sa mga nakaupong presidente?
Pero sabi daw ni Arch. Cruz sa lumabas na mga ulat sa media, ang mga banat daw niya noon kay Mrs. Arroyo ay hindi naman daw “personal”. Aba’y “propesyunal” pa lang kritiko ang dating arsobispo, maliban kung nagiging makakalimutin dahil epekto ng pagkaka-edad nito?
Buweno, isipin na lang natin kung bibisitahin ni PNoy si Mrs. Arroyo at nagkaroon ng desisyon ang korte na payagan siyang mai-house arrest, ‘di lilitaw pa ang “ekspek ni Kulas ‘yon” na may kinalaman ang Palasyo sa desisyon.
Hindi lang ‘yan, papaano kung sakali na maglabas ng desisyon ang korte at napawalang-sala si Mrs. Arroyo, eh ‘di iisipin din na baka bahagi iyon ng napag-usapan sa pagbisita sa kanya ni PNoy.
Seryoso ang mga kasong nakasampa laban kay Mrs. Arroyo na nakabinbin na sa Sandiganbayan. Kung hindi ba naman seryoso, ‘di sana’y pinayagan na siyang makapagpiyansa ng korte para sa pansamantala niyang kalayaan.
Madaling mag-isip at maghinala na ginagawang “scapegoat” ni PNoy si Mrs. Arroyo. Pero hindi maaalis ang katotohanan na may kasong nakabinbin sa korte laban kay Arroyo, at tanging korte lamang ang may hurisdiksyon sa kaso at hindi na ang Palasyo.
Iba na ang sistema sa “daang matuwid”, kung saan malaya at independiyente na sa paggawa ng desisyon ang mga institusyon tulad ng hudikatura. Hindi gaya noon sa “baluktot na daan” na nababoy ang lahat ng institusyon at pinakikialaman ng nasa kapangyarihan kaya malayang magagawa ang mga kalokohan.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment