Monday, January 13, 2014

Kulang sa “D”!



Kulang sa “D”!
REY MARFIL



Sa dinaluhang inagurasyon ng bagong traffic management system ng Metropolitan Manila Development Authority, may mahalagang mensahe si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa publiko paglabas nila ng tahanan -- sundin ang patakaran at panuntunan sa kalye, maging motorista ka man o tumatawid sa kalsada.

Sa unang araw pa lang ng panunungkulan ni PNoy matapos siyang ihalal ng kanyang mga boss na mamamayang Pilipino, nagpakita na ng magandang halimbawa ang Pa­ngulo sa kalsada -- “walang wang-wang”.

Marami ang nanibago at humanga sa ipinakitang halimbawa ni PNoy. Saan ka nga naman makakakita ng convoy ng pinakamakapangyarihang tao sa Pilipinas na tumiti­gil sa “red” light at hindi gumagamit ng “sirena”? Kaya naman may pagkakataon na naiipit siya sa trapiko gaya ng kanyang mga “boss”.

Sa tingin ng marami, “OK” ang ipinakitang halimbawa ni PNoy laban sa mga “utak wang-wang”. Kung tutuusin, para saan pa ang “wang-wang” sa tinatahak nating tuwid na daan? Sa iba naman, parang “OA” ang hindi paggamit ng sirena at paghinto sa red light ng convoy ng Pangulo. Maaari kasing malagay sa peligro ang kanyang buhay sa bawat hindi niya paggamit ng sirena o wang-wang sa kalsada.

Pero desidido si PNoy na ituloy ang anti-wang-wang mentality para mahiya naman ang mga kababayan natin na abusado sa kalye at walang pakialam sa iba -- mga moto­ristang sumi­sirena na parang nabili nila ang kalsada, mga tsuper na naka­balagbag sa kalye para magsakay at magbaba ng pasahero, at mga pedestrian o tumatawid sa ‘di tamang tawiran at para pang namamasyal sa Luneta.

Ang lahat ng ito ay nakasentro sa isang salita na nagsi­simula sa letrang “D”, as in disiplina.

***

Kung paiiralin lang natin ang disiplina sa bawat isa sa lahat ng oras, sa lahat ng lugar, sa lahat ng pagkakataon, aba’y baka hindi na natin kailangan ang pulis at MMDA. Ano pa gagawin ng pulis kung wala naman silang huhulihin dahil sumusunod sa batas ang mga tao?

Ano pa ang gagawin ng mga tauhan ng MMDA kung nagbi­bigayan naman ang mga motorista kahit pa mabigat ang daloy ng trapiko? Hindi gaya ngayon, may traffic light pero hindi sinusunod. May traffic signs pero hindi pinapansin.

Mahalaga ang disiplina sa lahat ng bagay para umasenso ang bansa. Kailangan ang disiplina sa sarili para maiwasan ang mga bisyo at tukso na maaaring maging daan para gumawa tayo ng masama tulad ng pagnanakaw at pananakit sa kapwa.

Magiging maayos ang transaksyon sa gobyerno at pribadong sektor kung may disiplina sa trabaho ang mga kawani at pati na ang mga nangangailangan ng serbisyo.

Hindi ba napakagandang tingnan kung maayos na nakapila ang mga sumasakay sa mga public transport sa halip na nag-uunahan at nagbabalyahan dahil gusto lang makauna?

At nakakainit ng ulo, kung ikaw ang may disiplinang nakahilera sa mahabang linya ng mga sasakyan dahil trapik at bigla ka na lang makakakita ng motoristang humaharurot at nauna sa‘yo dahil hindi sumunod sa tamang linya ng trapiko.

Ano pa kaya ang maitatawag mo sa motorista na nasa likod ng sasakyan mo at binubusinahan ka para umandar gayung nakikita naman niya na nakapula ang traffic light? Aba’y gusto ka pang itulad sa katulad niyang balasubas sa daan at siya pa ang may ganang magalit kapag hindi mo pinagbigyan.

Walang puwang sa bansang tumatahak sa tuwid na daan ang mga utak wang-wang. Tandaan na ang taong may disiplina, may kaakibat na isa pang mahalagang “D,” dangal.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: