Kumilos ang LGUs | |
Hindi sa lahat ng pagkakataon ay kailangang magpasa ng batas ang Kongreso at pambansang pamahalaan para matugunan ang ilang problema sa bansa. May mga usapin na maaaring tugunan ng lokal na pamahalaan tulad ng disgrasya sa mga paputok.
Nakalulungkot na sa kabila ng mahigpit na kampanya ng gobyerno sa pangunguna ng Philippine National Police (PNP) at Department of Health (DOH) laban sa paggamit ng paputok at baril, marami pa rin ang nabiktima ng paputok at ligaw na bala.
Ang masaklap, pahirapan ang paghahanap ng hustisya sa mga naging biktima na hangad lang na maging masaya sa pagsalubong sa Bagong Taon. Sino ba ang papapanagutin sa mga nasabugan at naputulan ng mga daliri at kamay? Papaano maibabalik ang buhay ng mga batang tinamaan ng ligaw na bala?
Sa listahan ng DOH at PNP, mahigit 900-katao ang biktima ng paputok at 30 naman sa ligaw na bala sa pagsalubong sa 2014. Mas marami ito kumpara sa pagsalubong sa 2013.
Dahil dito, muling nabuhay ang panawagan na lumikha ng batas ang Kongreso para ipagbawal na ang paggawa at pagbebenta ng paputok sa bansa. Bagay na hindi naman sinasang-ayunan ng ilang mambabatas dahil mahirap daw ipatigil ang matagal ng tradisyon.
Sa halip na ipagbawal, dapat daw na higpitan pa ang regulasyon sa paggawa, pagbebenta at paggamit ng paputok. Sa usapin ng pagpapaputok ng baril, may ipatutupad nang bagong sistema ang PNP sa pagmamay-ari ng baril.
***
Kung tutuusin, sapat na ang kasalukuyang batas tungkol sa regulasyon ng paputok, ang kailangan lang ay lubos na implementasyon ng mga kinauukulang ahensya, lokal na pamahalaan at mga barangay.
Anong silbi ng batas kung hindi naipapatupad?
Gaya ng paputok na piccolo na ipinagbabawal pero patuloy na naibebenta. Hindi dapat gamiting katwiran na may bumibili kaya may nagbebenta. Ang dapat na mentalidad, walang mabibili dahil wala nang nagbebenta dahil takot silang mahuli.
Tandaan natin na noon ay may paputok na pambata na kung tawagin ay watusi. Pero dahil dumami ang mga batang nalalason dito, ipinagbawal ito hanggang sa tuluyang mawala. Bakit hindi ito magawa sa piccolo na isa sa mga pangunahing paputok na nakadisgrasya ngayon sa mga bata?
Bukod diyan, ang Davao City ay ilang taon nang may pinatutupad na firecracker ban kaya naman mabibilang lang sa daliri ang nadidisgrasya sa kanila sa paputok kung mayroon man. Ang maganda pa rito, mayroon ding nahuhuli at napaparusahan na ilang pasaway at hindi sumusunod sa kanilang alkalde.
Marahil, kung sadyang may malasakit ang lokal na mga opisyal at barangay, kusa na silang kikilos para magdeklara ng sarili nilang ban sa paputok, o kung hindi man, magpatupad ng mahigpit na kampanya laban sa mga iligal na paputok.
Hindi tamang mag-isip na “malaki na kayo kaya bahala na kayo sa buhay niyo” kung gusto niyong magpaputok ng mga iligal na paputok. Bukod kasi sa pinsala sa katawan, maaari ring makapinsala sa ari-arian ang mga paputok kapag pinagmulan ng sunog.
Malaki rin ang maitutulong ng lokal na pamahalaan sa pulisya sa kampanya laban sa pagpapaputok ng baril. Batid ng mga barangay kung sino sa kanilang lugar ang mga siga na may baril at mahilig mag-display ng armas o magpaputok.
Hindi pa naman huli ang lahat. Marami pang taon ang sasalubungin ng mga Pinoy at marami pang Pinoy na maililigtas kung kikilos ang mga dapat kumilos, at sumunod ang dapat sumunod. Marami ng buhay ang nasayang, huwag na sanang madagdagan.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment