Monday, December 30, 2013

Di natibag!


Di natibag! 
Rey Marfil


Lumabas na ang inaabangan ng marami tungkol sa resulta ng pinakahuling ratings sa kompiyansa ng mga tao kay Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa taong ito ng 2013.

At batay sa isinagawang survey ng Social Weather Station (SWS), tiyak na malungkot ang mga kritiko ng kasalukuyang administrasyon, as in may malamlam ang mga mata habang nagkakasayahan ang mga kapitbahay ngayong Bagong Taon!

Dahil sa sunud-sunod na trahedyang sinapit ng bansa ngayong taon; idagdag pa ang mga batikos at puna na inabot ng pamahalaan sa pagtugon sa nangyaring mga kalamidad na ang pinakahuli ay ang bagyong “Yolanda”, inaakala at marahil ay inaasahan ng mga galit sa “tuwid na daan” na magkakaroon ng malaking pagbagsak ang satisfaction ratings ni PNoy sa pagwawakas ng taong 2013.

Pero sa survey ng SWS na ginawa nitong December 11 hanggang 16, o isang buwan matapos manalasa si Yolanda, lumitaw na 69 porsiyento ng 1,500 respondents sa buong bansa ang nagpahayag na nasisiyahan sila sa trabaho ng Pangulo. Mayroon namang 21 porsiyento ang nagsabing hindi sila nasisiyahan, para sa net ratings na +49 o “good”.

Ang resulta ng rating ay pagpapakita rin na tama ang mga ginawang hakbang ni PNoy sa pagtugon sa mga nangyaring kalamidad gaya ng Zamboanga siege, lindol sa Bohol at Cebu, bagyo sa Central Luzon at hagupit ni Yolanda sa Visayas region.

Matatandaan na kabi-kabilang puna at kung anu-anong impormasyon ang lumabas sa media at maging sa internet kaugnay sa naging pagkilos at pagtugon ng pamahalaan sa mga nangyaring kalamidad.
Gaya na lang ng intriga na hindi raw totoo na natulog sa tent si PNoy sa Bohol, o kaya naman ay naging mabagal ang pagkilos ng Pangulo sa krisis sa Zamboanga siege at pagtugon sa pangangailangan ng mga sinalanta ng bagyong Yolanda.

***

Sa kinalabasan ng survey, masasabing mulat at batid ng publiko ang katotohanan sa mga nangyayari sa ating bansa at pagsisikap ng gobyerno na kumilos sa pangangailangan ng sitwasyon.
Gaya na lang ng Zamboanga siege na inabot ng ilang linggo bago natapos ang paghahasik ng lagim ng ilang nalinlang na kasapi ng Moro National Liberation Front.

Kung tutuusin, kaya naman na tapusin ng militar at iba pang tropa ng pamahalaan ang krisis sa mas maigsing panahon sa pamamagitan ng paglusob at pagbomba sa kuta ng mga rebelde. Pero ang tanong, papaano naman ang buhay ng mga kawawang sibilyan na bihag ng mga armadong grupo?

Kaya naman ang naging direktiba ni PNoy sa tropa ng gobyerno, ingatan ang buhay ng mga bihag na sibilyan kahit tumagal pa ang krisis ng ilang araw. Ang resulta, nailigtas ang mga bihag na sibilyan at ang mga rebelde ay nadakip at ang iba naman ay napatay.

Sa sitwasyon ng Yolanda disaster, nakita ng publiko ang ginawang pagsisikap ng gobyerno na mapaalalahanan ang mga lugar na dadaanan ng super typhoon.
Katunayan, naglabas pa ng broadcast sa telebisyon si PNoy isang araw bago tumama si Yolanda at ipinaalam ang matinding epekto na maaaring idulot nito.

Kaya naman kung mayroong mga lugar na nagkaroon ng maraming casualties, ito’y hindi na kasalanan ng pambansang gobyerno dahil hindi sila nagkulang sa paalala.

Sa tindi ng pinsala ng bagyo, mauunawaan ng publiko kung bakit hindi naging madali ang paghahatid ng mga relief goods at maging ng pagsasagawa ng relief at retrieval operations sa mga sinalantang lugar. 

Hindi biro ang ginawang paghawi sa mga nakahambalang na mga puno at basura sa mga kalsada, airport at pantalan para makaarangkada ang ayuda ng pamahalaan.

Pero nang mahawi ang ulap ‘ika nga, dumaloy na ang buhos ng tulong sa ating mga sinalantang kababayan. Isama pa natin ang tulong at suportang ibinigay ng iba’t ibang bansa na pagpapakita ng malasakit ng mundo sa mga Pilipino.

Ngayong nagsalita na ang bayan, dalawa ang posibleng mangyari sa 2014: manlupaypay ang mga kritiko ng gobyerno at sumama na sa higit na nakararaming Pilipino sa pagsuporta sa mga adhikain ng pamahalaan, o lalo pang manggalaiti sa inis at maghahanap ng panibagong paraan para siraan ang gobyernong Aquino.

Ngunit anuman ang gawin ng mga kritiko ni PNoy, walang epek ito hangga’t nasa likod niya ang suporta ng mamamayan na pinanggagalingan ng lakas ng Pangulo.


Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
 

No comments: