Friday, January 17, 2014

Tuloy ang paglilinis!




Tuloy ang paglilinis!
Rey Marfil

Kailangang suportahan natin ang panawagan ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino na manatili ang mga Filipino sa kanyang matuwid na daan at tulungang makamit ang iba pang mga reporma sa nalalabing panahon ng kanyang administrasyon.

Tama ang Pangulo sa pagsasabing malapit nang mawala ang nalalabing katiwalian sa pamahalaan sa ilalim ng kanyang malinis na pamumuno.

Katulad sa basketball, nasa krusyal na huling dalawang minuto ang kampanya ni PNoy sa malinis na pamamahala at hindi na kailangang mag-aksaya pa ng panahon upang makamit ang tagumpay ng maraming mga Pilipino.

Dahil sa tulong ng malinis na pamamahala, susulong ang bansa na papakinabangan ng nakakarami.
Talaga naman kasing importante ang suporta ng sambayanang Pilipino sa mga programa ni Pangulong Aquino.

Kung mananatili ang maraming mga tao sa kampanya ni Pangulong Aquino, siguradong magandang pamana sa susunod na henerasyon ang kanilang maiiwan.

Ngayong taon, nagawa ng maraming Pilipino na malampasan ang maraming pagsubok, kabilang ang serye ng mga kalamidad.
At maganda ring marinig sa Pangulo na malapit nang mailatag ang hustisya kaugnay sa kontrobersyal na paglustay ng Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel.

Isa pang magandang balita ang bunga ng mga foreign trip ni PNoy, malinaw ang P334.16 bilyong pamumuhunan at mahigit sa 43,000 trabaho sapul noong 2010.

Maganda rin ang pahayag ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Secretary Herminio ‘Sonny’ Coloma Jr. na hindi kasama rito ang pakinabang sa lumakas na samahan ng Pilipinas at ibang mga bansa.

Nakatulong rin ang pagbisita upang matugunan ng Pilipinas ang mga obligasyon nito sa internasyunal na komunidad.
Bahagi ang Pilipinas ng internasyunal na grupo na Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC), Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), at United Nations (UN).

Umaabot sa 66 project commitments mayroon ang Pilipinas sa 55 banyagang mga kompanya na kinatatampukan ng P611 bilyong pamumuhunan at mga pangako mula sa China, Japan, United States at United Kingdom na maaaring magresulta sa 100,000 trabaho.

Sa 66 na project commitments, 16 dito ang nakumpleto na habang 16 iba pa ang ipinapatupad.

***

Napag-usapan ang good news, umabot na sa kabuuang 537 Filipinos na nasa Shumaisi Facility ang napauwi na sa Pilipinas, isang patotoo na ginagawa lahat ng pamahalaan ang lahat ng makakaya nito upang matulungan ang laban ng problemadong overseas Filipino workers (OFWs).

Bahagi ang 537 ng 644 Filipinos na nanatili sa pasilidad matapos maproseso bago matapos ang Nobyembre 3 na palugit para sa “correction period” na iniutos ni Custodian of the Two Holy Mosques King Abdullah bin Abdul Aziz.

Dapat nating papurihan ang mga opisyal at staff ng Philippine Consulate General sa Jeddah, kabilang ang ating Labor and Social Service Attaches sa pagtulong sa ating mga konsulado sa pagkakaloob ng tulong sa ating naipit na mga kababayan sa Jeddah at maging sa iba pang rehiyon ng Kingdom.

Noong Disyembre 16, may kabuuang 257 ang bumalik ng Pilipinas, sakay ng Special Saudi Airlines Flight SV3874, kabilang ang 195 kababaihan, 59 bata at tatlong kalalakihan.

Nakaraang Disyembre 17 ng gabi, 186 namang kababaihan at 94 na mga bata o kabuuang 280 ang sumunod naman sakay ng special Saudi Airlines SV 3876.

Sa ngayon, ito ang pinakamalaking bilang ng undocumented Filipinos na napauwi sa loob lamang ng isang araw nitong 2013.

Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: