Masigasig! | |
Tiniyak ng Malacañang na nakahanda na ang pondo at mga plano sa pagharap sa posibleng mga kalamidad na tatama sa bansa sa 2014, as in nag-plano na ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, partikular ang Department of Budget and Management (DBM) para matiyak ang magandang responde ng pamahalaan sa posibleng mga delubyong darating sa bansa.
Nangangahulugan na ginagawa talaga ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang lahat para matiyak na nakahanda ang bansa sa lahat ng posibneg dumating na mga kalamidad.
Kitang-kita naman ang pagiging abala ni PNoy at kanyang gabinete sa nakalipas na mga linggo para sa rehabilitasyon ng mga lugar na sinalanta ng bagyong Yolanda.
Matatandaang iniwan ni Yolanda ang mahigit sa 6,100-kataong patay nang bayuhin nito ang Visayas at Southern Luzon noong nakalipas na Nobyembre. At masigasig na ipinapatupad ng pamahalaan ang programa sa rehabilitasyon para sa naapektuhang mga lugar.
At pinatunayan ng mataas na “performance rating” ni PNoy base sa resulta ng Fourth Quarter 2013 Social Weather Station (SWS) survey ang patuloy nitong malinis na pamamahala at matinding determinasyon na harapin ang serye ng mga kalamidad sa bansa.
Isinagawa ang 4th quarter survey mula Disyembre 11 hanggang 16 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,550 adults.
Ayon sa resulta ng SWS survey, nailagay ang net satisfaction score ni PNoy sa “good” na +49 kung saan 69% ang nagsabing nasisiyahan sila sa performance ng Punong Ehekutibo habang 21% naman ang nagsabing hindi.
Halos walang pinagbago ang mga resulta sa parehong survey noong nakalipas na tatlong buwan. Dahil sa magandang resulta, naitala ni PNoy ang score nito sa kanyang performance sa buong taon sa “very good” na +55.
Mas mataas ito kumpara sa 2011 at 2012 na average na halos katulad rin naman na “very good” +53. Naitala ng Pangulo ang “very good” na +62 sa unang taon nito sa kapangyarihan noong 2010.
Dahil dito, asahan na natin na lalong magpupursige si PNoy at kanyang mga gabinete na isulong pa ang mga programa na kabilang sa prayoridad ng kanyang pamahalaan sa ilalim ng Philippine Development Plan anuman ang maging resulta ng susunod na surveys.
Maganda ring marinig ang pagbibigay diin ni PNoy na gagawin ng kanyang pamahalaan ang lahat alang-alang sa mga tao at sa bansa para makamit ang kanilang mga pangarap para sa mas magandang kinabukasan.
***
Napag-uusapan ang good news, magandang marinig ang pagkakaroon ng 1.3 milyong bakanteng trabaho sa online jobs and skills matching portal ng pamahalaan upang magsilbing gabay upang makakuha ng hanapbuhay ang maraming Filipino.
Iniulat ni Labor Sec. Rosalinda Baldoz na umabot sa 1,384,728 ang bakanteng trabaho mula Enero hanggang Nobyembre 2013 dahil sa paglahok ng maraming pribadong kumpanya sa Phil-JobNet system o ang opisyal na online job at skill matching portal ng pamahalaan.
Tumaas ng 21.8 porsiyento ang bakante sa trabaho na nailabas noong 2013 kumpara sa 1,137,551 na bukas na trabaho na nailata sa parehong panahon noong 2012.
Ngunit, sinabi ng Bureau of Labor and Employment (BLE) ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa tulong ng Phil-JobNet na maliit na 203,639 lamang katao ang sumubok.
Makakabuti rin para sa mga aplikante na hasain pa ang kanilang kasanayan at kaalaman sa trabaho dahil sa maraming oportunidad na lumalabas.
Karaniwan sa mga trabaho ang nasa serbisyo, konstruksyon, turismo at maging ang Information Technology and Communications (ICT), partikular sa Business Process Outsourcing (BPO).
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment