‘Kanser’ ng lipunan | |
“Kanser.” Ganyan kung tawagin ng ilang political observer ang problema ng bansa sa katiwalian.
Dahil matagal nang napabayaan sa sistema ng pamamahala sa mga nagdaang administrasyon, kakailanganin ang matagal na gamutan para ito mapagaling at tuluyang mawala ang “sakit”.
Kamakailan lang ay muling napag-usapan ang problema sa katiwalian dahil sa isang survey na ang mga tinanong o respondents ay mga negosyante. Lumitaw sa survey na batay sa “perception” o “pananaw” ng mga tinanong na business people, lumala daw ang korupsyon sa gobyerno noong nakaraang 2013.
Nakakalungkot ang resulta ng survey kung tutuusin dahil indikasyon ito na dumami na naman ang mga negosyanteng naniniwala na talamak ang katiwalian sa gobyerno kumpara noong 2012. Sa kabila ito ng mga ginagawang pagsisikap ng administrasyong Aquino na mabura ang katiwalian sa bansa at maipamana niya sa sinumang papalit sa kanya sa 2016.
Mula nang maihalal ng kanyang mga “boss” noong May 2010, ilang reporma na ang ipinatupad ng gobyerno ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino para mailatag ang daang matuwid tungo sa malinis na pamamahala.
Gayunman, sadyang may mga taong nasanay sa bali-balikong daan para makapanggulang sa kapwa at mabusog ang bundat na sikmura kahit sa masamang paraan.
Ngunit alalahanin din na ang resulta ng survey ay batay sa pananaw o persepsyon ng mga tinanong. Maaaring ang tugon nila sa mga itinanong sa survey ay naapektuhan ng anumang pangyayari ng mga sandaling gawing ang survey.
Kumpara noong 2012, mas dumami ang mga negosyante na naniniwala na “mas talamak” ang katiwalian noong 2013. Tandaan natin na ang usapin tungkol sa maanomalyang paggamit umano ng mga mambabatas sa kanilang pork barrel fund o PDAF ay lumabas noong 2013.
Ang pondo na pinag-uusapan sa naturang kontrobersya ay sumasakop sa mga taong 2007 at 2009, panahon na hindi pa pangulo si PNoy.
***
Bagaman noong 2013 din napag-usapan ang tungkol sa pondo ng pamahalaang Aquino na DAP, nananatili pa rin naman sa Korte Suprema ang usapin tungkol sa legalidad nito.
Bukod diyan, nilinaw na ni DBM Secretary Butch Abad na ang pondo ay ginamit sa mga programa at proyektong makakapagpasigla sa ekonomiya ng bansa.
At sa nagdaang dalawang taon, kinilala ng iba’t ibang international financial institution ang Pilipinas na isa, kung hindi man nangunguna sa Asia na may pinakamasigla at malagong ekonomiya.
Pero gaya ng nakamamatay na sakit na kanser, nakamamatay rin ang kanser ng lipunan na katiwalian. Napupunta sa bulsa ng mga kolokoy na tao sa gobyerno ang pera na dapat sanang magamit sa mga programa at proyekto na mapapakinabangan ng mga tao. At iyan ang nais gamutin ng kasalukuyang administrasyon ni Aquino.
Bilang simula at bahagi ng mahabang gamutan sa kanser na ito ng lipunan, itinalaga ni PNoy ang mga pinaniniwalaan niyang opisyal na makatutulong sa pagsugpo sa katiwalian at hahabol sa mga tiwali sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.
Ipinatupad na ang ilang reporma sa transaksyon ng gobyerno at ginawang mas transparent ang mga datos ng iba’t ibang ahensya sa pamamagitan ng paglalagay ng mga impormasyon sa internet.
Ang mga hakbang na ito ng pamahalaan ni PNoy ay kinikilala naman ng mga negosyante. Kaya nga batay din sa survey, tumaas ang tiwala nila at nagpahayag sila ng kasiyahan sa pamamahala ng kasalukuyang administrasyon.
Ang mahalaga dito, tinatanggap ng Palasyo ang pananaw ng mga negosyante tungkol sa talamak na katiwalian at hindi binabalewala. Ang pagtanggap ay isang hakbang upang lalo pang pag-ibayuhin ng pamahalaan ang gamutan sa kanser ng lipunan.
Marahil kailangan pang tapangan ang gamot na ginagamit para masugpo ang virus na patuloy na nakapipinsala sa katawan ng lipunan.
Sa harap ng laban ito, hindi dapat mawalan ng pag-asa ang mga Pinoy na gagaling ang lipunan sa malalang kanser na ito. Ang importante, patuloy na nilalabanan ang gobyernong Aquino ang katiwalian at wala sa bokabolaryo nito ang kasabihang, “If you can’t defeat them, join them.”
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment