Wednesday, January 29, 2014
Hamon!
Hamon!
Pinatunayan ng tumataas na “competitiveness ranking” ng bansa na lumilikha ng maraming oportunidad ang isinusulong na malinis na pamamahala ng administrasyong Aquino.
Sa ulat ng National Competitiveness Council, sumulong pa rin ang bansa sa kabila ng maraming mga hamong dumaan.
Sa hanay ng walong pangunahing competitiveness reports na nailabas noong nakalipas na taon, naitala ng Pilipinas ang pag-angat (No. 4) sa pito habang nanatili naman sa nalalabing isa.
Kabilang dito ang pag-angat ng bansa sa ikaanim na posisyon sa World Economic Forum’s Global Competitiveness Index mula 65th tungong 59th.
Umangat rin tayo ng 30 puwesto mula 138th tungong 108th sa International Finance Corporation’s Ease of Doing Business Index na ikinukonsiderang pinakamalaking pag-angat.
Tumaas rin tayo ng 11 posisyon sa Transparency International’s Corruption Perceptions Index mula 105th tungong 94th. Siyempre, resulta ang mga umentong ito ng bagong programa at inisyatiba ng pamahalaan sa nakalipas na 12 hanggang 18 buwan ng masusing pagtatrabaho.
Nilikha ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang Task Force on Ease of Doing Business na naglalayong bawasan o putulin ang red tape sa operasyon ng negosyo. Mahalaga ang nasabing panukala ng Pangulo upang mapabuti at mapabilis ang pagbubukas ng negosyo sa Pilipinas.
***
Maganda na hindi isinasara ng pamahalaan ang pintuan nito sa posibleng muling pagbubukas ng dayalogo sa makakaliwang rebeldeng grupo na kahit mahirap makamit, posible pa rin namang mangyari.
Nabatid kay Communications Secretary Sonny Coloma na naglabas ng pahayag ang peace adviser ng Pangulo na patuloy na isusulong ng pamahalaan ang pag-abot ng kapayapaan sa komunistang grupo.
Hindi pa rin nagkakasundo ang pamahalaan at Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) sa maraming bagay upang sumulong ang usapang pangkapayapaan.
Isang malaking hamon ang isinusulong na kasunduan at isa sa maraming isyu ang pagpapalabas ng mga tagapayo ng mga komunista sa bilangguan bilang kondisyon bago simulan ang mapayapang pag-uusap.
Bagama’t mahirap, magandang panimula ngayong taon at asahan natin na isusulong ito para makamit ang kaunlaran.
Hindi lang ‘yan, masasabi nating hamon din at oportunidad ang pag-abot sa 100 milyon ng populasyon ng bansa. Ika nga ni Sec. Coloma, nais ng Philippine Development Plan na tiyaking makikinabang ang lahat ng mga Pilipino sa pagsulong ng ekonomiya ng bansa.
Masasabing hamon at oportunidad dahil pinakamahalagang kayamanan ang mga tao. Maganda rin na malaking bahagi ng pambansang badyet ngayong 2014 ang nakalaan para sa sosyal na proteksyon, kagalingan at kaunlaran ng mga Pilipino.
Asahan na nating hindi mapag-iiwanan ang mayorya ng mga Pilipino sa tatamasahing ginhawa.
At dapat ding kilalanin natin ang patuloy na paniniyak ng Malacañang sa mga kamag-anak ng mga biktima ng Atimonan massacre noong nakaraang taon na patuloy na magtatrabaho ang pamahalaan upang makamit ng mga ito ang hustisya.
Sa ngayon, ipinapatupad ang tinatawag na administrative at prosecution actions. At alinsunod sa direktiba ni PNoy, kumikilos ang lahat ng kinauukulang mga ahensya ng pamahalaan para sa implementasyon ng administrative at prosecution actions sa hangaring matiyak ang hustisya sa mga biktima.
Noong huling bahagi ng nakalipas na taon, kinasuhan na ng Department of Justice (DOJ) ang 13 awtoridad ng multiple murder dahil sa naganap na pamamaslang.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy niyo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment