Monday, January 27, 2014

Dagdag kumpiyansa!


                                                                 Dagdag kumpiyansa!  
                                                                   REY MARFIL


Magandang panimula sa pamahalaan ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ang mga lumalabas na resulta ng iba’t ibang survey na nagpapakita na nananatiling nasa likod niya ang kanyang mga “boss”. Makabubuti ito para madagdagan din ang sipag ng gobyerno na lutasin ang mga problema ng bayan tulad ng kahirapan.

Bagaman nasabi na ni PNoy noon sa mga panayam na hindi nakasandal sa survey ang pagkilos ng kanyang pamahalaan, maaari pa rin namang gamiting panukat o indicator ‘ika nga ang mga numerong naglilitawan upang mapahusay pa ang mga ginagawa ng gobyerno.

Sa pagsisimula ng taon, lumilitaw na nananatiling nasa likod ng Pangulo ang tiwala at suporta ng higit na nakararaming Pinoy kung paniniwalaan ang resulta ng survey ng Social Wea­ther Station (SWS) at Pulse Asia na ginawa noong Disyembre.

Isa na rito ang survey na ginawa ng SWS sa mga biktima ng bagyong Yolanda kung saan lumabas na higit na nakararami sa kanila ang nasiyahan sa ginawang pagtugon ng gobyerno sa kalamidad.

Sa kaparehas na survey, lumitaw daw na positibo rin ang pananaw ng mga Pinoy na hindi biktima ni ‘Yolanda’ sa pagkilos ng gobyerno sa pinakamalakas na bagyong tumama sa bansa.

Ang resulta ng survey ay taliwas sa mga naglabasan sa media at hinala ng mga kritiko ng gobyerno na babagsak ang ratings ni PNoy dahil sa alegasyon na naging mabagal ang aksyon ng pamahalaan sa naganap na kalamidad. Pero sino ba ang dapat nating paniwalaan? Ang mga kritiko ng gobyerno, o ang mga taong direktang naapektuhan ng bagyo?

***

Napag-usapan ang survey ng SWS at Pulse Asia, maganda rin ang resulta ng survey ng US-based auditing firm na Grant Thornton LLP, na nagpapakita ng mataas na kumpiyansa ng mga negosyanteng Pinoy sa magiging takbo ng ekonomiya ng Pilipinas ngayong taon.

Sa katunayan, sinabi sa survey na sa lahat ng mga negosyante sa mundo, lumitaw na “most optimistic” ang mga negosyanteng Pinoy at mga negosyante ng United Arab Emirates (UAE). Partida pa iyan -- kung tutuusin dahil may kalamidad na nangyari sa ating bansa na kailangang asikasuhin ng husto ng pamahalaang Aquino.

Isipin na lang nating kung hindi tayo kinabayo ng mga kalamidad; sunud-sunod na malalakas na pag-ulan; mga bagyo; lindol; bakbakan -- na sumira ng mga pananim at imprastraktura, aba’y hindi ba mas malaking pondo sana ang magagamit ng pamahalaang Aquino sa mga kailangan nating proyekto.

Pero dahil marami tayong kababayan na nawalan ng bahay sa Zamboanga City dahil sa bakbakan sa ilang miyembro ng MNLF, mga nawalan ng tirahan dahil kay ‘Yolanda’, ma­laking pondo ang kailangang gamitin ng pamahalaan para sila matulungan at mabigyan ng mas ligtas na matitirhan.

Kaya naman magandang hakbang sa parte ng pamahalaan ang pagkakahirang kay dating Senador Panfilo Lacson bilang mamamahala sa rehabilitation program sa mga biktima ni ‘Yolanda’ para matiyak na hindi mapupunta sa bulsa ng ilang tiwaling opisyal ang pondong ilalaan sa ating mga kababayan.

Mahalagang matiyak na ligtas sa mga korap ang pondo para mga biktima ni ‘Yolanda’, dahil na rin sa resulta ng survey sa mga negosyante na naniniwala na lumalala ang katiwalian sa gobyerno noong 2013.

Ngayong 2014, may pagkakataon ang pamahalaan na ipakita sa mga negosyante na mali ang kanilang hinala sa usapin ng katiwalian sa pamahalaan.

Kung magpapatuloy ang kampanya ng pamahalaan laban sa katiwalian alinsunod sa plataporma ng daang matuwid; at sasabayan ng pagpapalakas ng negosyo sa bansa ng mga namumuhunan na makalikha ng maraming trabaho, tiyak na mababawasan din ang isa pang resulta ng survey na nagpapakita na marami pa ang naghihirap at nagugutom na kababayan.

‘Ika nga sa mga kasabihan, bagong simula, bagong pag-asa. Pero higit na mataas ang pag-asa kapag nabigyan ng magandang panimula.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: