Friday, January 24, 2014

Halimaw sa internet!


                                                           Halimaw sa internet!  
                                                                 Rey Marfil

Kung may halimaw na kinatakutan noon sa banga ang da­ting batang aktres na si Matet sa pelikula, ngayon naman, may tunay na halimaw na dapat katakutan ang mga kabataan na nag­lipana sa internet na hayok sa “laman” ang mga pedophile.

Kamakailan lang, naibalita ang joint Operation Endeavor na isinagawa sa 12 bansa na kinabibilangan ng mga awtoridad ng Pilipinas, Britanya at Australia, at nakasakote ng mga Pinoy at mga dayuhan na sangkot sa child pornography sa internet.

Sa magkakahiwalay na operasyon ng mga awtoridad sa mga bansang nabanggit, 29 katao ang nadakip na kinabibilangan ng 11 Pinoy.
Nailigtas din ang ilang kabataan na edad anim hanggang 15 na ginagamit ng sindikato bilang “model” sa kanilang operasyon sa internet kung saan ang kanilang mga parokyano at mga halimaw na nakatatanda na hayok sa laman ng bata.

Kung tutuusin, hindi na bago na pinagpipiyestahan ng mga dayuhang dayukdok ang ating mga kawawang kabataan.
Noong 1980’s nabisto ang operasyon ng isang dayuhang pedopilya sa Laguna kung saan mistulang naging travel agent ito ng mga katulad niyang nais magpasasa sa katawan ng mga batang Pinoy.

Nang mahuli ang pedopilya, nabisto ang ilang taon na niyang operasyon sa Pilipinas at ang listahan ng mga kabataan at mga hubad na larawan ng mga ito na ginamit na mistulang “menu” na ipinakikita sa kanyang dayuhan ding kliyente para hikayating pumunta sa Laguna at “tikman” ang murang “laman”.

At kasabay ng pag-unlad ng teknolohiya, naging hi-tech na rin ang kabulastugan ng mga halimaw na pedopilya. Kung dati ay mga larawan lang ang kanilang nakikita, ngayon ay maaari na silang makapanood nang “live” sa internet ng mga kabataan na nagtatalik.

Ang kaibahan nga lang ngayon, hindi na nila kailangang pumunta sa Pilipinas para matikman nang “personal” ang inilalakong mga kabataan.
Nagkakasya na lang sila sa panonood via live stream. Maliban na lang siguro kung sobrang hayok ang dayuhan at bumiyahe pa rin sa Pilipinas upang maranasan niya nang “live” ang napanood niya sa internet.

Ang masaklap nito, mula noon sa low-tech na paraan ng pambubugaw sa ating mga kabataan, hanggang ngayon na hi-tech na, nandoon pa rin ang pagkunsinti at pagtutulak ng mga magulang sa kanilang mga anak na pasukin ang malaswang industriya ng child pornography.

***

Gaya noong 1980’s, kahirapan sa buhay ang katwiran ng mga magulang kaya nila ibinubugaw ang kanilang mga sariling anak.
Isama pa ang baluktot nilang paliwanag na hindi gaya noon na personal na nahahawakan ng mga dayuhan ang mga bata, ngayon ay hindi naman at ipinapagawa lang ang kalaswaan sa internet na ire-request ng kanilang kliyente, at malinaw na kita na.

Kung ganito ang katwiran nila, bakit hindi na lang kaya ang mga magulang na ito ang magbuyangyang ng kanilang kaluluwa sa internet?

Bukod sa kawawa naman ang mga biktimang kabataan dahil napagsasamantalahan ang kanilang kamusmusan, nagkakaroon din ito ng masamang imahe sa Pilipinas na sinasabing kasama na ngayon sa top 10 na bansa na matindi ang child pornography.

Baka akalain ng mga hayok na pedopilya na kasama sa isinusulong na kampanya ng Department of Tourism na “It’s More Fun In Philippines” ang mga kabataan natin para pagnasaan nila.

Kaya nararapat ang ibinigay na direktiba ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa mga kinauukulang ahensya na paigtingin pa ang kampanya laban sa problemang ito at kasamang usigin ang sinumang sangkot, kabilang na ang mga protektor at magulang ng mga batang biktima.

Pero dapat bilisan din ng Korte Suprema ang pagresolba sa petisyon kontra sa legalidad ng ipinasang Cyber Crime Law upang maipatupad na ito ng mga awtoridad at mabigyan sila ng karagdagang ngipin na pangkagat sa mga halimaw.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: