Monday, January 6, 2014

Buhay na buhay ang pag-asa sa 2014


Buhay na buhay ang pag-asa sa 2014
REY MARFIL


Kahit pinutakte tayo ng mga kamalasan ngayong 2013, hindi pa rin nawawala ang tibay ng mga Pilipino at punung-puno tayo ng pag-asang haharapin ang bagong sikat ng liwanag sa 2014.

Hindi biro ang mga kalamidad na tumama sa atin nga­yong taon na nakaapekto sa milyun-milyon nating mga kababayan. Pero sa kabila nito, naniniwala pa rin ang marami sa atin na mas magiging mabuti ang 2014 sa ating bansa.

Batay na rin kasi sa pinakahuling survey ng Social Weather Station na ginawa nitong December 11 hanggang 16, nasa 94% ng mga tinanong ang nagpahayag na buo ang kanilang pag-asa sa susunod na taon. Mataas pa ito sa 92% na naitala noong 2012 nang tanungin ang mga respondents sa kanilang tingin sa 2013.

Kung hindi nga lang marahil sa mga naganap na kalamidad sa ating bansa, talaga naman sanang maganda ang 2013. Bukod kasi sa patuloy ang paglago ng ating ekonomiya, patuloy ding binabantayan ng administrasyong Aquino ang pondo ng bayan.

Bagaman umalingasaw ang eskandalo sa pagwawaldas sa pondo ng PDAF, nakita naman na karamihan dito ay nangyari noong nagdaang liderato at ngayon na nabibisto. Bunga nito, tuluyang naglaho sa taunang pondo ang kontrobersyal na pork barrel ng mga mambabatas na matagal nang pinaghihinalaan na ugat ng katiwalian.

Kaisa ng mga mamamayan na tumitingin sa mas magandang 2014 si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino. Puno man kasi tayo ng mga pagsubok ngayong 2013, naipakita naman natin ang pagiging matibay at pagmamalasakit natin sa ating mga kababayan.

***

Hindi lang iyon, nakita natin kung papano tayo pagmalasakitan ng buong mundo. Umapaw ang tulong mula sa iba’t ibang bansa para sa mga naging biktima ng bagyong Yolanda.

At kung pagbabatayan ang pagtanaw ng iba’t ibang pandaigdigang sangay tungkol sa pananalapi gaya ng Asian Development Bank, may katwiran para maging buhay ang pag-asa nating mga Pinoy sa susunod na taon.

Bakit hindi, kahit kinabayo tayo ng kalamidad at mga eskandalo ng katiwalian, nananatiling mataas ang kanilang ekspektasyon sa paglago ng ating ekonomiya. Kinikilala pa rin nila ang Pilipinas na kabilang sa mga bansa sa Asya na magpapatuloy ang sigla ng ekonomiya.

Ang patuloy din na tiwala ng mga Pilipino sa liderato ni PNoy ay tiyak na makakatulong para patuloy niyang maigiya ang bansa sa tuwid na daan -- isang legacy na iiwanan ni PNoy sa pagtatapos ng termino nito sa 2016 at nawa’y sundan ng magiging kapalit nito.

Sa kabila kasi ng mga mahahalagang desisyon na ginawa niya ngayong taon at mga ibinatong puna mula sa kanyang mga kritiko, lumitaw pa rin sa survey ng SWS na higit na marami pa rin ang nasisiyahan sa kanyang mga ginagawa.

Malamang sira ang taon ng mga kritiko ni PNoy sa pagta­tapos ng 2013 at marahil panay ang buntong-hininga habang sinasalubong ang Bagong Taon, aba’y hindi nangyari ang inaasahan nila na marami ang hindi matutuwa sa trabaho ng gobyerno bunga ng isyu ng pork barrel at pagkilos sa mga kalamidad.

Pero dahil mulat na ang publiko at mayroon ng internet para makita at malaman talaga ang totoo, nananatiling nasa likod ng Pangulo ang suporta ng kanyang mga “boss”.

Sa pag-iwan natin sa 2013, kasama na sana nating iwan ang inggit at galit lalo pa’t hindi naman kandidato si PNoy sa 2016, as in walang rason ang mga nagkukunyaring taga-oposisyon para pag-initan at pagdudahan ang bawat aksyon lalo pa’t kapakanan ng nakakarami ang pangunahing interes nito, maliban kung sadyang “utak-talangka” ang mga kritiko?
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com


No comments: