Monday, October 7, 2013

‘Wag ibahin ang usapan!




‘Wag ibahin ang usapan!
REY MARFIL


Sa umpukan ng usapan, minsan hindi maiwasan na maging sentro ng talakayan. At kapag mainit na ang diskusyon tungkol sa kanya, gagawa siya ng paraan upang maibaling sa iba ang usapan at mailayo sa kanya ang atensyon tila ganito ngayon ang nangyayari sa kontrobersiyal na pork barrel scam ng mga mambabatas at negosyanteng si Janet Lim-Napoles.
Sa pagkakabisto sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa umano’y matagal nang pag-abuso ng ilang mambabatas sa kanilang Priority Development Assistance Fund o pork barrel funds, natural na may mag-alburoto dahil nawalan sila ng limpak-limpak na delihensiya.
Hindi biro ang P10 bilyong pondo ng PDAF na sinasabi ng Commission on Audit (COA) na sangkot sa anomalya ng paggamit ng pork barrel ang mga mambabatas na pinadaan daw sa mga pekeng non-government organizations (NGOs) ni Napoles mula 2007 hanggang 2009 pa lamang.
Bukod pa iyan sa iba pang nakakahindik na iskandalo sa paggamit naman ng Malampaya funds na bilyun-bilyon din ang halaga na kinasasangkutan din ng ilang lokal na opisyal ng pamahalaan at ilang ahensya sa ilalim ng nakaraang administrasyong Arroyo.
Sa laki ng pondong pinag-uusapan, hindi talaga maiiwasan na magalit ang mga mamamayan sa mga inaakusahang mambabatas at kay Napoles na nadadawit sa iskandalo. At kung irerekomenda ng Ombudsman sa Sandiganbayan ang plunder case na isinampa ng Department of Justice (DOJ) laban kina Napoles at ilang mambabatas, tiyak na kulong at hihimas sila ng malamig na rehas sa piitan dahil walang piyansa o non bailable ang nabanggit na kaso.
At kung nakasentro na sa kanila ang atensyon, ano ang dapat nilang gawin? Ibahin ang usapan sa pamamagitan ng paglikha ng bagong kontrobersya o ingay na makakakuha ng atensyon ng media.
Ang masakit sa lahat si PNoy ang gumawa ng reporma at naging daan upang manumbalik ang tiwala ng sambayanan, sampu ng international community sa malinis na pamamahala pero ngayo’y binabaliktad ang usapan -- ito pa ang pinagbibintangang promotor sa maling paggasta sa pondo ng bayan. ‘Ika nga ni Mang Kanor: Tanging wala sa tamang katinuan ang nag-iisip ng ganitong bintang.
***
Napag-usapan ang isyu, hindi maiwasang lumabas ang ilang espekulasyon na baka may mga sangkot sa pork barrel scam na nagpondo sa pagsalakay ng Moro National Liberation Front (MNLF) sa Zamboanga City na umagaw ng atensyon ng media at publiko.
At nang patapos na ang init sa Zambo attack ng MNLF, sumunod naman ang paglutang sa alegasyon ng umano’y karagdagang pondo na ibinigay ng Malacañang sa mga senador na bumoto para ma-impeach si dating Chief Justice, na inaangguluhan ng iba na “suhol”.
Pero kung tutuusin, hindi naman “pagkatapos” ng impeachment ibinigay ang sinasabing dagdag na alokasyon sa mga senador kundi pagkalipas ng ilang buwan at halos papatapos na ang taon at inaayos na ang taunang budget ng gobyerno kung saan ipinasok ang pondo.
Take note: Walang masama sa pork barrel o anumang pondong ipinagkatiwala sa mga mambabatas kung nagastos nang tama. Ang masama at nakakarimarim -- kung ito’y pinag­laruan at inangking parang pag-aari ng kanilang pamilya.
Matanong lang ang mga nagmamagaling at umaastang patas sa paggasta sa pera ng bayan, sampu ng nagli-lecture sa mga rally site: Kung iba ang nakaupong Pangulo ngayon, mararanasan kaya ng Pilipinas ang kaliwa’t kanang papuri sa labas ng bansa at lumabas kaya ang samu’t saring isyu sa pagwawaldas ng pera? At nasaan ang mga “feeling-henyo” sa kuwenta sa panahon ni Gloria, hindi ba’t nakabusal ang bibig, nagmumuta ang mga mata sa kapipikit at puno ng tutule ang tainga?
***
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: