Friday, October 18, 2013

‘Wag iwan si PNoy sa laban!




                             ‘Wag iwan si PNoy sa laban!


Pinagtibay ng mga bagong resulta ng mga survey ang ginawang hakbang ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino at liderato ni Speaker Feliciano Belmonte Jr. na alisin na ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) ng mga mambabatas sa ilalim ng hinihimay ngayon na 2014 budget.

Batay sa resulta ng Pulse Asia survey at Social Weather Station (SWS), malaking bilang ng ating mga kababayan ang naniniwala na dapat alisin na ang pork barrel funds, at nagagamit ito ng mga pulitiko para manalo sila sa kanilang puwesto.

Gayunpaman, huwag nating kalimutan na ang survey ay mula sa perception o paniniwala ng mga taong na-survey. Marahil ang kanilang opinyon ay batay sa mga napanood o nabasa nilang balita tungkol sa iskandalong pumutok tungkol sa umano’y paglulustay ng pondo ng ba­yan -- partikular ang pagkakasangkot ni Janet Lim-Napoles at ng kanyang mga sinasabing pekeng non-governmental organization (NGO).

Ang nakalulungkot lamang, tila nakaapekto sa satisfaction ratings ni PNoy ang iskandalo dahil natapyasan ng may 15% ang bilang ng mga taong nasisiyahan sa kanyang panunungkulan. Pero huwag sana nating kalimutan na ang nalantad na usaping ito ng pag-abuso sa pondo ng bayan sa ilalim ng liderato ni PNoy -- at nangyari ang sinasabing iskandalo sa ilalim ng nagdaang rehimeng Arroyo.

At kahit pa marami rin ang naniniwala o may pananaw na nagpapatuloy ang anomalya sa paggamit ng pork barrel sa kasalukuyang administrasyon ni PNoy, patuloy naman ang ginagawang reporma ng gobyerno upang mabawasan kung hindi man lubusang mabura na ang kalokohan sa hindi wastong paggamit ng kaban ng bayan.

Isa na nga riyan ang ginawang pag-aalis ng liderato ni Belmonte, alinsunod na rin sa deklasyon ni PNoy na buwagin na ang PDAF. Dahil ang Kongreso lamang ang may karapatan na mag-alis sa naturang pondo, ang mga mambabatas ang kumilos sa ginawa nilang deliberasyon sa 2014 budget na ilipat na sa mga kinauukulang kagawaran ang dapat sana’y alokasyon ng mga mambabatas para sa kanilang PDAF.

Sa pamamagitan ng bagong sistema, higit na mababantayan ng pamahalaan ang paggamit ng pondo ng bayan at maiiwasan na ang pagpapadaan sa mga kuwestiyunableng NGOs at pagrerekomenda ng mga mambabatas sa kanilang paboritong kontratista na magpapatupad ng proyekto.

***

Napag-usapan ang pork, ang isang pinakamagandang pangyayari sa usaping ito ay ang maitaas ang kamala­yan ng publiko sa usapin ng pondo ng bayan, partikular sa pork barrel funds. 

Kasabay ng pagbubukas sa kamulatan ng mga tao ay ang pagiging aktibo nila na maipaalam sa mga kinauukulan na batid nila ang nangyayari at sila’y nagmamatyag.

Pero hindi malalaman ng mga mamamayan ang matagal na pa lang iregularidad sa paggamit ng pork barrel funds sa ilalim ng rehimeng Arroyo kung hindi ito nahalungkat ng Commission ng Audit (COA) at Department of Justice (DOJ) sa ilalim ng kasalukuyang rehimen ni PNoy. 

Ang masaklap lang nito, dahil sa laki ng perang sangkot at mga malalaking tao ang iniimbestigahan at mga nakasuhan, natural na may mga kikilos upang mailayo sa kanila ang usapin, o kaya naman ay ibaling sa gobyerno ni PNoy ang sisi para sirain ang integridad nito sa ginagawang kampanya laban sa mga tiwala at umabuso sa kaban ng bayan.

Mahaba pa ang landas na tatahakin ng administrasyong Aquino upang linisin sa katiwalian ang tinatahak nitong tuwid na daan. Sa patuloy na paglalakbay, asaha­n din na may mga alipores ang mga sangkot sa iskandalo ng pork barrel at maging sa Malampaya funds na magsisilbing mga alulod para magkalat ng mga maling impormas­yon laban kay PNoy.

Matindi ang pagkakabaon ng ugat ng katiwalian na kailangang bunutin ni PNoy upang matigil na ang pag-abuso sa kaban ng bayan. Para mabunot ang ugat na ito, kailangan ni PNoy ng ibayong lakas at ang lakas na iyan ay sinabi na niyang kinukuha niya sa suporta ng kanyang mga boss -- ang mamamayan. 

Kaya naman hindi natin dapat iwan si PNoy sa patuloy na laban nito kontra sa katiwalian. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: