Inililihis ang kuwento!
Masyadong pinupulitika ng mga kritiko ang Disbursement Acceleration Program (DAP) kaya naman nalilihis ang tunay na isyu kaugnay sa kahalagahan na papanagutin ang mga politikong naglustay ng pork barrel.
Simple lamang naman ang layunin ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa DAP, ang makasabay ang pamahalaan sa gastusin upang magkaroon ng trabaho at aktibidad sa ekonomiya lalo’t naaayon ito sa Saligang Batas ng 1987.
Kailanman, hindi nabahiran ng katiwalian o maling paggasta sa pondo si PNoy kaya’t nakakalungkot isiping binabaluktot ng mga kritiko ang isyu at pilit inililihis ang pork barrel scam na minanipula ni Janet Lim-Napoles. Take note: Nangyari ang lahat ng kabalbalan at pambababoy sa pondo sa nagdaang administrasyon at si PNoy ang naging daan upang ituwid ito, subalit ngayo’y gusto pang ipako sa krus.
Kumbinsido si Mang Kanor na makakapasa sa legal na kuwestiyon sa Supreme Court (SC) ang DAP na inilunsad ng administrasyong Aquino noong Oktubre 2011 para hanapan ng solusyon ang kakapusan sa tama at matalinong paggugol ng pamahalaan ng pampublikong pondo.
Nagmula ang pondo ng DAP sa pangkalahatang natipid ng pamahalaan sa pambansang badyet, kabilang dito ang Unprogrammed Funds mula sa sobrang koleksiyon ng buwis, hindi nailabas na pondo dahil sa mabagal na implementasyon ng mga proyekto, inalis na mga programa base sa isinagawang pag-aaral ng tinatawag na Zero-Based Budgeting (ZBB), at maging ang hindi na-obliga o hindi nagamit na pondo na ibinigay na sa mga ahensya ng pamahalaan.
Ginamit naman ang pondo ng DAP para sa mabilis na implementasyon ng mga proyekto na sumusuporta sa socio-economic development platform ng pamahalaan alinsunod sa President’s Social Contract para sa mga Pilipino at punuan ang pangangailangan na gumastos nang tama gamit ang pampublikong pondo.
Sapul noong Oktubre 1, 2013, nabatid sa datos ng Department of Budget and Management (DBM) ang kabuuang P137.3 bilyon na nailabas para pondohan ang mahahalagang mga proyekto, malinaw naman na mahihirap ang tinulungan ng DAP para magkaroon ng aktibidad sa ekonomiya at makalikha ng karagdagang trabaho at panibagong mga serbisyo sa publiko.
***
Sa good news, hindi ba’t kapuri-puri ang magandang balitang hatid ng ulat ng Social Security System (SSS) kaugnay sa kanilang nailabas na kabuuang P719.86 milyong pondo para sa “study now, pay later” na pautang sa mga estudyanteng-benepisyunaryo ng mahigit sa 38,000 mga kasaping tumangkilik ng programa?
Naging malaking tulong sa mga miyembro ang SSS Educational Assistance (Educ-Assist) Loan Program sapul nang ilunsad ito noong 2012.
Magkatuwang na programa ng SSS at pambansang pamahalaan ang Educ-Assist program kung saan P7 bilyong pondo ang nakalaan para dito.
Sa ilalim ng programa, nagkakaloob ito ng pautang na may magaan na sistema ng pagbabayad sa mga kasapi ng SSS para magamit na pambayad sa matrikula sa kolehiyo, vocational at technical courses ng kanilang mga anak. Umabot na sa kabuuang 39,970 na mga estudyante ang nakinabang sa programa sapul noong Hulyo 31, 2013.
Sa tulong nito, nabawasan ang pinansiyal na alalahanin ng mga magulang para sa pag-aaral ng kanilang mga anak. Asahan na natin na lalong paghuhusayin ng SSS ang implementasyon ng programa sa pagpasok ng enrollment ngayong second semester.
Maaaring makahiram ang isang miyembro ng SSS ng hanggang P20,000 para magamit na matrikula sa kolehiyo at P10,000 sa vocational o technical (voc-tech) na mga kurso sa bawat semester o trimester hanggang makatapos ang benepisyunaryo.
Dahil sa magandang programa, natulungan ng SSS ang 37,947 mga estudyante sa kolehiyo na kumakatawan sa pinakamalaking grupo ng Educ-Assist na mga benepisyunaryo na napagkalooban ng P700.71 milyon na pautang habang karagdagang P19.15 milyon naman ang naibigay sa 2,023 na mga estudyante ng voc-tech na mga kurso.
Maliit rin ang interes sa ilalim ng programang Educ-Assist kung saan umaabot lamang ito sa anim na porsiyento kada taon. Kitang-kita naman sa ganitong programa ng administrasyong Aquino ang pagkalinga nito sa mga mahihirap, lalung-lalo na sa mga nais na makatapos ng kanilang pag-aaral.
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment