Tuloy ang pamamahagi! | |
Hindi ba’t magandang balita ang plano ng administrasyong Aquino sa pamamagitan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na kunin na ang serbisyo ng pribadong kompanya upang hukayin ang mga ilog sa Subic, Zambales bilang bahagi ng paghahanap ng solusyon sa lumalalang pagbaha.
Malaking tulong ang magagawa ng plano kung saan ipinapakita ng pamahalaan ang agaran nitong aksiyon sa problema matapos tamaan ng pagguho ng lupa at pagbaha ang mga komunidad ng Subic dahil kay Super Typhoon Odette.
Masyado na kasing mababaw ang Calaclan River at iba pang mga ilog na dumadaan sa Subic kaya naman umapaw na nagresulta sa pagbaha. Mayroon nang nakaantabay na dredger mula sa DPWH sa Olongapo na hindi lamang gumana sapul noong Agosto 2011 dahil nasira ang tinatawag na converter module.
Dahil hindi gumagana at wala na ring mabilhang piyesa sa merkado, ikinokonsidera na ni Sec. Rogelio Singson ang pagkuha sa serbisyo ng pribadong dredging company.
Bukod sa paghuhukay ng mga ilog, plano rin ng DPWH na palawakin ang mga daluyan ng tubig para maiwasan ang malawakang pagbaha.
Mabuting balita ito para sa kaligtasan ng mga tao na pagpapatunay na serbisyo ang pangunahing konsiderasyon ng administrasyong Aquino.
***
Napag-usapan ang good news, talagang sinsero ang administrasyong Aquino sa implementasyon ng batas kaugnay sa programang agraryo matapos simulang ipamahagi ang mga lupa sa mga kuwalipikadong farm worker-beneficiaries (FWBs) ng Hacienda Luisita.
Panibagong magandang balita ito para makapagsimula ang pamilya ng bawat benepisyunaryo ng panibagong kabanata ng kanilang buhay na mayroong tinitingalang bagong magandang bukas.
Isang simpleng seremonya pa nga ang isinagawa kamakailan kung saan 600 farmer-beneficiaries sa Barangay Pando sa Tarlac ang nabigyan ng Certificate of Land Ownership Awards (CLOAs).
Nagsimula nang mamahagi ang Department of Agrarian Reform (DAR) ng titulo ng mga lupa sa Hacienda Luisita, pagpapatunay na pawang kasinungalingan at paninira ang pahayag ng mga kritiko na imposibleng ipamahagi ang mga lupa roon.
Mahigit sa 600 na mga magsasakang benepisyunaryo sa Barangay Pando ang nabiyayaan naman ng kanilang CLOAs.
Kinakatawan ng CLOAs ang 5,800 ng 6,200 benepisyunaryo na nakarehistro na sa Register of Deeds habang inaasahang marami pa ang magpapatala bilang benepisyunaryo sa panahong kunin ng mga ito ang kanilang CLOAs.
Ayon kay DAR legal affairs Undersecretary Anthony Parungao, umabot sa 5,800 qualified FWBs na may CLOAs ang lumagda ng kaniilang Application to Purchase and Farmers Undertaking (APFU) sa DAR at nairehistro sa Register of Deeds sapul noong Setyembre 25, 2013.
Sapul noong Setyembre 25, 2013, tanging 296 na mga magsasakang benepisyunaryo ang hindi pa nakakakuha ng kanilang Lot Allocation Certificates (LACs), habang 377 ang kailangan pang lumagda at magsumite ng kanilang APFUs.
Ang maganda pa rito, ipapamahagi sa mga magsasakang benepisyunaryo ng Hacienda Luisita ang certified true copies ng kanilang CLOAs, pagpapatunay na sila ang may-ari ng lupa.
Nagsimula ang pamamahagi ng CLOAs sa Barangay Pando noong nakalipas na Setyembre 30, sinundan sa Barangay Motrico noong Oktubre 1, at Barangay Lourdes nitong Oktubre 2. Ipinagpatuloy ang pamamahagi ng CLOAs ng nakaraang Oktubre 8 sa Barangay Parang, Barangay Mabilog (Oktubre 9) at Barangay Bantog (Oktubre 10).
Matapos ito, magpapatuloy ang DAR sa kanilang trabaho sa pamamahagi ng CLOAs sa apat na nalalabing barangays: Cutcut (October 15), Asturias (October 16), Balete (October 17), at Mapalacsiao (October 18). Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.”
(mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment