Wednesday, October 9, 2013

‘Di pasisilaw!




                                          ‘Di pasisilaw!


Kung ang ibang lider ng bansa ay naging kapit-tuko sa puwesto o kaya nama’y gustong gawing “unlimited” ang kanilang pananatili sa Palasyo, iba si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino -- ito’y hindi man lamang nakitaan ng kahit ga-hiblang kiliti sa samu’t saring katanungan ng media at international community tungkol sa term extension.

Gaya ng kanyang yumaong ina na si dating Pangulong Cory Aquino, wala sa isipan ni PNoy na humirit ng ikalawang termino bilang Pangulo kapag natapos na ang kanyang panunungkulan sa 2016, malayo sa karakter o kabaliktaran ng mga naunang naupo kung saan hindi pa nakakapag-oath, kaagad iniisip ang formula kung paano mapapalawig ang pagre-reyna sa Palasyo.

Sinabi ito ni PNoy sa ginawang panayam sa kanya sa dinaluhang Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) CEO Summit forum sa Indonesia.

Bagaman sa ilalim ng kasalukuyang batas ay isang termino lang o anim na taon lang ang panunungkulan ng Pa­ngulo, wala sa isip ni PNoy na paglaruan ang Saligang Batas upang maalis ang term limit na ito at mapayagan siyang kumandidato muli.

Kung tutuusin, madali itong magagawa ni PNoy dahil mismong ang mga lider ng Kamara at Senado ang nagsusulong na amyendahan ang Saligang Batas para amyendahan ang mga probisyon na pang-ekonomiya.

Kapag pinayagan ni PNoy ang paggalaw sa Saligang Batas para sa tinatawag na economic provision, sino pa ang makapagsasabi kung biglang maisipan ng mga pagkakatiwalian sa pag-amyenda ng Konstitusyon sakaling isama nila sa babaguhing probisyon ang pag-alis sa term limit ng Pa­ngulo? Wala ‘di ba?

At sa taas ng popularidad ni PNoy at dami ng mga nakikiisa sa isinusulong niyang kampanya kontra sa katiwalian, tiyak na marami rin ang susuporta sa panawagan na muling tumakbo si PNoy sa pagka-Pangulo pagkatapos ng kanyang termino upang maipagpatuloy niya ang mga sinimulang pagbabago sa gobyerno.

Take note: Ang ina ni PNoy na si dating Pangulong Cory na naupo sa Palasyo matapos ang 1986 EDSA People Po­wer ­Revolution, kahit maaari pa siyang tumakbo sa posisyon matapos ang kanyang termino noong 1992 at sa kabila ng mga pana­wagan na tumakbo siyang muli, hindi nagbago ang pasya ni Tita Cory na bumaba sa kapangyarihan pagkatapos ng kanyang panunungkulan.

***

Napag-usapan ang extension, malinaw ang hangarin at misyon ni Tita Cory nang tanggapin ang posisyon bilang kapalit ng dating diktador na Pangulo na si Ferdinand Marcos Sr., na 20 taong nanatili sa poder ng kapangyarihan -- at ito ay maibalik lamang ang demokrasya sa Pilipinas.

Kaya naman nang magawa na niya ang kanyang misyon, bumaba si Tita Cory sa Malacañang pagsapit ng 1992 kung saan nanalo at pumalit sa kanya sa demokratikong halalan si dating Pangulong Fidel Ramos.

Gaya ng kanyang ina, may misyon si PNoy sa kanyang pagtanggap na tumakbong Pangulo noong 2010, ito ay ang maibalik ang tiwala ng mga mamamayan sa mga institus­yon na sinasabing nasira ang imahen dahil sa mga naglabasang alegasyon ng katiwalian sa ilalim ng siyam na taong panu­nungkulan ni da­ting Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

At batay sa mga nahahalungkat na datos ng administrasyon ni PNoy, hindi biro ang laki ng halaga ng pondo ng ­bayan na pinaniniwalaang nakulimbat o kaya naman ay nawaldas sa ilalim ng pamamahala ni Arroyo.

Para kay PNoy, sapat na sa kanya ang maipamalas at napatunayan na maaaring magkaroon ng malinis na pamamahala ng gobyerno. Sa dami ng mga nasasagasaan sa mga natutuklasang katiwalian sa nagdaang administrasyon ni Arroyo, hindi magi­ging mahirap na isipin na marami ang gagawa ng paraan upang makaganti kay PNoy o siraan ang kasalukuyang gobyerno.

Bukod pa diyan, hindi na rin nalalayo ang 2016 presidential elections kaya ang mga maaaring tumakbo o kanilang mga tagasuporta, gagawa na ngayon pa lang ng paraan upang mabawasan ang “bango” ni PNoy para mapahina ang lakas ng kanyang “basbas” sa taong mapipili niyang nais niyang pumalit sa kanya para maipagpatuloy ang nagawa niyang mga reporma sa tamang pamamahala.

***

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: