Hokus-pokus! | |
Higit pa sa horror story at talaga namang nakakapangilabot ang ibinunyag ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino tungkol sa posibleng nakurakot o pinaglaruang pambansang pondo ng gobyerno sa siyam na taong panunungkulan ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Maaaring may ibang kababayan tayo na hihirit ng linyang, “kay Gloria na naman ang sisi?” Pero ano ang magagawa natin kung ito ang katotohanang lumalabas, at sa laki ng pondo ng bayan na pinag-uusapan ay aabutin talaga ng mahabang panahon para mahalungkat ang lahat ng posibleng ginawang pagmanipula sa kaban ng bayan.
Kung noong una ay raket lang sa sobrang importasyon ng bigas ang nakitang pinagkakitaan ng nakaraang rehimeng Arroyo na umaabot sa mahigit P1 bilyon, ngayon ay nahalungkat na ng pamahalaang Aquino ang sinasabing “apat” na mekanismong ginamit ng dating pangulo para abusuhin umano ang pambansang pondo sa panahon ng kanyang panunungkulan.
Ang apat na ito ay ang: 1) Paulit-ulit na reenactment ng budget; 2) Rice importation ng National Food Authority; 3) Malampaya funds; at 4) Congressional insertion.
Ayon kay PNoy, hindi bababa sa P836 bilyon at posibleng humigit sa P1 trilyon ang pondo ng bayan na posibleng napaglaruan ng gobyerno ni Mrs. Arroyo, na magmula noong 2005 ay walang tigil na niyanig ng kontrobersya na muntik-muntikan nang mapatalsik sa pamamagitan ng impeachment.
Mantakin ninyo, ang kasalukuyang budget ng pamahalaan ay nasa P2 trilyon, ibig sabihin, halos kalahati ng pambansang budget ang posibleng nasayang sa siyam na taong termino ni Mrs. Arroyo.
Ang tanong na dapat masagot, saan napunta ang pera o sinu-sino ang nagbulsa? Posible rin kaya na ilang bahagi ng perang ito ay umiikot ngayon para wasakin o siraan si PNoy dahil sa sobrang higit ngayon ng pamahalaan at pagiging seryoso na habulin ang mga nagwawaldas ng pondo ng bayan?
Hindi naman nakapagtataka kung magkatotoo man ang hinala na may nagaganap na kampanya para siraan at wasakin ang kredibilidad ni Aquino dahil sa dami ng mga posibleng tao na tatamaan at makakasuhan sa lawak ng anomalyang naganap sa ilalim ng Arroyo government.
***
Napag-usapan ang isyu, gaya na lang sa koneksyon ng mga pekeng non-government organization umano ng negosyanteng si Janet Lim Napoles, na aabot na sa P10 bilyon ang pinag-uusapang pondo mula sa Priority Development Assistance Funds ng mga mambabatas sa loob pa lamang ‘yan ng tatlong taon magmula 2007 hanggang 2009.
Kaya naman siguro ganu’n na lang ang pag-atake at kritisismong ginagawa ng ilang kritiko kay PNoy tungkol sa Development Acceleration Program o DAP na pilit na iniuugnay at sinasabing panuhol sa impeachment ni dating Chief Justice Renato Corona.
Aba’y kung tutuusin, nangyari ang pagpapatalsik kay Corona sa kalagitnaan ng 2011, habang ang pamamahagi ng DAP ay nangyari sa huling bahagi ng taon, at naipatupad ang karamihan sa proyektong hiningi ng mga mambabatas sa unang bahagi na ng 2012.
Bukod dito, hindi lang naman ang mga mambabatas ang nakinabang sa DAP kundi ang iba pang lugar na kailangang buhusan ng pondo upang lumakas ang kilos ng pananalapi sa lugar at magpasigla sa merkado at ekonomiya. Kabilang sa mga nabigyan ng malaking pondo ng DAP ay ang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) na umabot sa mahigit P8 bilyon.
Ngayon ang tanong, dapat din bang iugnay sa Corona impeachment ang ARMM gayong wala naman silang kinalaman sa usapin? Hindi, dahil ang DAP ay sadyang ipinatupad para mapondohan ang mga kailangang proyekto at programa sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Ang maganda rito, ang pondong nalikom ngayong panahon ng panunungkulan ni PNoy ay tiyak na napunta sa bayan, at hindi sa bulsa ng iilan gaya ng posibleng nangyari noong panahon ni Mrs. Arroyo. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.”
(mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment