Monday, October 21, 2013

Una ang Cebu at Bohol!



                                   Una ang Cebu at Bohol!

Dalawang araw lamang nawala sa Pilipinas si Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino para tuparin ang importante at matagal nang natanguang official visit nito sa South Korea, na isa sa mga masugid na kaalyado ng Pilipinas.

At kahit napakahalaga ng naturang biyahe, mayroon at mayroon pa ring maghahanap ng butas para lang masabi na kritikal sila sa Punong Ehekutibo.

Hirit kasi ng ilan, bakit daw itinuloy pa ni PNoy ang biyahe sa South Korea gayung may naganap na matinding kalamidad sa ­Visayas region bunga ng malakas na lindol na lubhang nakapinsala sa Bohol at Cebu? Pero kung tutuusin, parang hindi naman nawala sa Pilipinas si PNoy dahil kahit nasa South Korea siya, ang sitwasyon pa rin sa Cebu at Bohol ang kanyang nasa isip.

Dalawang araw bago ang nakatakdang paglipad ni PNoy noong Huwebes, naganap ang magnitude 7.2 quake sa Central Visayas na tinatayang kumitil na ng mahigit 180 buhay at nagpabagsak sa maraming gusali, kabilang na ang ilang luma at makasaysayang simbahan.

Matapos ang pagsusuri at pag-analisa ng mga dalubhasa sa naganap na lindol, lumipad kaagad ang Pangulo sa Cebu at ­Bohol noong Miyerkules para personal na makita ang sitwasyon sa ilang lugar na napinsala at siyempre, makita rin kung ano ang ginagawang aksiyon ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan par­a tulungan ang mga nasalanta.

At sa kanyang obserbasyon, nakita ni PNoy na awtomatikong kumikilos ang iba’t ibang sangay ng pamahalaan na hindi na kailangan pang diktahan niya o sabihin ang mga nararapat na gawin. Nandoon din ang mga kalihim ng iba’t ibang kagawaran na lubhang kailangan sa sitwasyon gaya ng Social Welfare department, Interior and Local Govern­ment, Public Works and Highways at National Defense.

Sa madaling salita, kahit wala sa Bohol at Cebu si PNoy, kikilos at kikilos ang mga kinauukulang ahensya ng gobyerno para tumugon sa pangangailangan ng bayan. Kung tutuusin, ito naman ang nais talaga ni PNoy, ang magkaroon ng kusang aksyon ang mga ahensya ng gobyerno at hindi ‘yung parang pak­o na kailangan pang pukpukin para bumaon.

Katunayan, kahit nang panahon na nasa South Korea si PNoy, makikita sa ulat ng mga media ang ginagawang pag-iikot ng mga kinauukulang kalihim sa Bohol at Cebu para suriin ang tindi ng pinsala ng lindol. Gayunman, dahil nga matindi ang pagkasira ng ilang kalsada at tulay, may ilang lugar na hindi agad narating ng tulong. Bagay na ginamit na pambutas ng mga kritiko para atakihin ang ginawang pagtuloy ni PNoy sa South Korea.

Ang nakalimutan yata ng mga kritiko, moderno na ang mga teknolohiya ngayon kaya kahit nasa Maynila o South Korea si PNoy, masusubaybayan nito ang sitwasyon sa Cebu at Bohol, at magagawang mag-utos sa pamamagitan lamang ng isang pindot sa cellphone kung kakailanganin.

***

Sa totoo lang, hindi naman nagpunta si PNoy sa South Korea para manood ng K-Pop, nagtungo siya roon upang patatagin pa ang ugnayan ng mga Filipino at Koreano. Sa panahon ngayon na hindi pa rin humuhupa ang tensyon sa agawan sa West Phi­lippine Sea, mahalaga na magkaroon tayo ng mga kasangga na susuporta sa ipinaglalaban nating teritoryo.

Bukod pa riyan ang paghikayat sa mga negosyanteng ­Koreans na maglagak ng kanilang puhunan at negosyo sa Pilipinas. Aba’y hindi birong kliyente kung tutuusin ang South Korea, pangatlo sila sa may pinakamasiglang ekonomiya sa Asya at pang-13 sa buong mundo.

Kaya naman ang dalawang araw na pagpunta ni PNoy sa South Korea ay tiyak na sulit pagdating sa benepisyong makakamit ng Pilipinas at mga Pinoy sa hinaharap dahil sa ipinakita niyang dedikasyon na tumupad sa pandaigdigang obligasyon.

Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: