Monday, October 28, 2013

Natiyope!




Natiyope!
REY MARFIL



Gaya ng isang coach sa basketball, nag-iwan ng simpleng mensahe si Pangulong Noynoy Aquino III sa mga mamamaha­yag na dumalo sa forum ng Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP) kamakailan na “mata sa bola” pagdating sa usapin ng katiwalian sa paggamit ng pork barrel funds.
Kung baga sa basketball, masasabing player o basketbolista ang mga mamamahayag na sumasalo ng bola ng impormasyon tungkol sa mga kontrobersya ngayon sa pondo ng gobyerno tulad ng Priority Development Assistance Funds (PDAF) o pork barrel ng mga mambabatas; at ang Development Acceleration Funds (DAF) ng pamahalaan.
Sa basketball, maraming puwedeng gawin ang kalaban para lansihin o lituhin ang manlalaro upang hindi nito maipasok ang bola sa kanilang ring. Kung isasalin naman ito sa realidad ng usapin sa paggamit ng pondo ng bayan, hindi maipararating ng mamamahayag ang tamang impormasyon sa publiko kapag may mga panlitong impormasyon na isusubo ang mga kalaban.
Ganito ang nakikita ni PNoy sa mainit na paksa ngayon ng PDAF at DAF. Matapos kasing malantad ang umano’y nakagigimbal na anomalya ng ilang mambabatas (kabilang ang ilang sikat na senador) tungkol sa paglustay sa PDAF na sinasabing aabot sa P10 bilyon, bigla namang inatake ang DAF ng Palasyo na ginamit para palakasin ang ekonomiya ng bansa.
Batid ng mga inaakusahan ng anomalya sa PDAF na seryoso si PNoy na papanagutin ang mga mambabatas na nagsamantala sa pondo ng bayan, at nakita nila ito nang kasuhan na sila ng plunder.
Kasunod niya, kung anu-anong isyu na ang ibinato sa gobyerno gaya ng DAF at mga bonus ng ilang ahensya, na nakaagaw na ng atensyon ng media at tila nawala na ang focus sa sinasabing napakalaking anomalya -- ang pork barrel scandal.
Kaya ang panawagan ni PNoy sa mga kasapi ng media na siyang pinagkukunan ng impormasyon ng publiko -- “eyes on the ball.” Huwag magpalansi sa mga panggugulo ng mga taong nais mawala sa kanila ang mata at focus ng publiko kaugnay sa iskandalo ng PDAF. Dapat may managot sa kinukuwestiyong bilyun-bilyong pondo na dapat pinakinabangan ng mga mamamayan.
***
Samantala, kung anong ingay ng mga kritiko nang pansamantalang umalis ng bansa si PNoy para tuparin ang natanguan nitong kompromiso sa South Korea, siya namang tahimik nila nang mag-overnight mismo ang Pangulo sa Bohol, animo’y natiyopeng manok!
Nang umalis kasi si PNoy para sa dalawang araw na state visit sa South Korea, may mga pumuna kung bakit dapat unahin ng Pangulo ang pagdalaw sa ibang bansa at iwan ang sitwasyon sa Cebu at Bohol na sinalanta ng lindol. Isang araw bago nagtungo sa Korea, binisita muna ni PNoy ang dalawang lalawigan.
At kung tutuusin, parang hindi naman nawala sa bansa si PNoy sa tulong ng modernong teknolohiya.
Wala kasing patid ang pakikipag-ugnayan niya sa pamamagitan ng telepono sa mga inatasang opisyal na mamamahala sa ginagawang pamamahagi ng tulong sa mga sinalanta.
Katunayan, ang usapin pa rin ng Cebu at Bohol ang naging pangunahing paksa ng mga pakikipag-usap ni PNoy sa mga mamamahayag kahit sa South Korea. Bukod dito, dalawang beses na palang hindi napagbigyan ng Pangulo ang imbitasyon ng South Korea, kaya hindi na magiging maganda sa kaugalian ng mga Pilipino kung sasablay pa rin tayo sa ikatlong pagkakataon.
At ilang araw matapos siyang bumalik sa bansa mula sa South Korea, muling nagtungo si PNoy sa Bohol para personal na makita ang laki ng pinsala sa lalawigan at ang sistema ng ginagawang pagtulong ng pamahalaan sa ating mga kababayan. Doon pa nga siya nagpalipas ng magdamag sa Bohol at hindi nangamba sa kanyang kaligtasan sakaling magkaroon muli ng malakas na lindol.
Sa tent lang natulog ang Pangulo at nahiga sa isang folding bed. Pagpapakita ng pagiging simple ni PNoy. Aba’t dapat itago na ang folding bed na tinulugan ng Punong Ehekutibo dahil bahagi na iyon ng kasaysayan ng liderato ni PNoy at sa nangya­ring kalamidad sa Bohol.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: