Upgrade ulit! | |
Patuloy na bumubuti ang pagtingin ng internasyunal na komunidad sa piskal na pamamahala ng administrasyong Aquino dahil sa matalinong paggugol nito base sa investment upgrade na ibinigay ng Moody’s Investor’s Service sa bansa.
Itinaas muli ng Moody’s ang rating ng bansa ng isang baitang mula BAA3 patungong BA1. Binigyan rin ng Moody’s ang Pilipinas ng “positive outlook” na rating na nangangahulugang posibleng magkaroon na naman ng panibagong upgrade sa hinaharap.
Binigyang-pansin ng Moody’s sa naging desisyon nito ang tuluy-tuloy na magandang ekonomiya ng bansa, maayos na pagdadala ng pananalapi at katatagang pampulitika dulot ng maayos na pamamahala.
Dahil sa nakuhang upgrade sa Moody’s ng Pilipinas, lalong bumuti ang magandang credit rating natin. Magugunitang ang Moody’s ang isa sa tinaguriang “Big 3” credit rating agencies na nagkaloob sa Pilipinas ng investment grade.
Nitong Marso, binigyan ng Fitch Ratings ng isang baitang na upgrade ang long-term foreign currency rating ng Pilipinas tungong BBB-minus at binigyan ng matatag na “outlook rating” ang bansa.
At nakaraang Mayo, itinaas din ng Standard & Poor’s ang credit rating ng bansa ng isang baitang mula BB+ tungong BBB o pinakamaliit na investment grade dahil sa magandang macroeconomic fundamentals ng Pilipinas sa kabila ng pandaigdigang pinansiyal na krisis.
Lumalabas lamang na ang mabuti at matinong pamamahala ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino ang pangunahing susi sa tagumpay ng ekonomiya ng bansa at tiwala ng pandaigdigang pinansiyal na mga institusyon.
***
Napag-usapan ang good news, isang magandang balita ang suporta ng Brotherhood of Christian Businessmen and Professionals (BCBP) sa “transparency program” ni PNoy.
Nais ng BCBP na ipagpatuloy ng Pangulo ang mga reporma nito tungo sa transparency at propesyunalismo ng serbisyo publiko. Isang Catholic charismatic na organisasyon ang BCBP na kinabibilangan ng mga negosyante at professionals sa buong bansa.
Kamakailan, isang almusal ang inihanda ng grupo kay PNoy upang ipahayag ang kanilang suporta at kahandaan na tumulong sa mga positibong pagbabagong inilulunsad ng kanyang administrasyon.
Magandang pinagmumulan ng inspirasyon at direksiyon ang suportang ito dahil malaki ang magagawa ng mga negosyo at mga propesyunal upang lalong mas maging epektibo ang pagbabago na kapaki-pakinabang sa buhay ng mga Pilipino.
Sa kabila ng mga kontrobersiya ng katiwalian nga naman, nanindigan ang grupo na mapalad pa rin ang bansa sa pagkakaroon ng tapat at matinong Pangulo.
Asahan na natin na lalo pang magsusumikap si PNoy sa pagkamit ng mas magandang lagay ng ekonomiya ng bansa kasabay ng maigting na paglaban sa katiwalian.
***
Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment