Ipaglaban ang kandidato! | |
Noong nakaraang Sabado, Abril 13, maaari nang bumoto ang ating mga kababayang nasa abroad ng mga napipisil nilang kandidato sa darating na midterm election sa Mayo sa pamamagitan ng Overseas Absentee Voting.
Batay sa datos ng Commission on Elections, tinatayang nasa mahigit 737,000 ang rehistradong absentee voters natin ngayong taon. Mas mataas ito kumpara sa naitalang mahigit 589,000 OAVs noong 2010 elections.
Sana'y magkatotoo ang pagtaya ng Comelec na umabot sana sa 60% ng mga OAVs ang boboto ngayong halalan na tatagal ng isang buwan. Noong 2010 elections, 50% ng OAVs ang inasahan ng Comelec na boboto pero nasa 153,000 lang ang naging resulta o halos 26%.
Hindi dapat sayangin ng ating mga kababayan sa abroad ang pagkakataon na magamit ang kanilang kapangyarihan na pumili ng mga taong nais nilang maging lider ng ating bansa. Ngayong 2013 elections, maaaring bumoto ang OAVs ng 12 kandidatong senador at isang party-list group.
Noong 2010 elections, kasama sa mga ibinoto ng OAVs ang kandidatong Pangulo at Bise Presidente. Sa mga kandidatong senador na ibinoto ng mga kababayan natin sa abroad, isa lang kung tutuusin ang hindi nakalusot si Sonia Roco.
Sa resulta ng nagdaang halalan, pinili ng mga overseas voter si Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino. Nakapasok din ang 11 sa 12 senatorial candidates na nakakuha ng pinakamarami nilang boto na binubuo ng mga senador na ngayon na sina Franklin Drilon, Miriam Santiago, Ramon Revilla Jr., Pia Cayetano, Ralph Recto, Jinggoy Estrada, Juan Ponce Enrile, Ferdinand Marcos Jr., Teofisto Guingona III, Tito Sotto at Sergio Osmeña III.
***
Sa gaganaping halalan ngayon sa Mayo, posibleng maging "swing vote" ang boto ng mga OAVs kung pagbabatayan ang mga naglalabasang survey sa mga kandidatong senador. Sobrang dikit ang mga kandidatong nasa pang-anim hanggang pang-15 kaya mahalagang bagay ang magiging boto ng mga kababayan natin sa abroad at ng kanilang pamilya.
Kung mangyayari ang pagtaya ng Comelec na aabutin ng 60% ang resulta ng OAVs, lalabas na nasa 400,000 ang puwersa ng mga kababayan nating nasa abroad. Hindi ito biro lalo na kung magiging magkakadikit ang mga nasa hulihang puwesto ng mga kandidato.
Sa pamamagitan ng pagboto ay magagamit ng mga kababayan natin sa abroad ang kanilang karapatan at maipadinig ang kanilang tinig gaya ng ginawa nilang pagboto kay PNoy noong 2010 na malayo ang agwat sa pumangalawang kandidato.
Upang higit na mapagsilbihan ang mga bobotong overseas Filipino, gagamit ng PCOS machines ang mga embahada sa pitong lugar na may malaking bilang ng OAVs na Hong Kong, Riyadh, Abu Dhabi, Dubai, Jeddah, Kuwait at Singapore.
Minsan lang sa loob ng tatlong taon ang halalan kung saan nagkakapantay-pantay ang karapatan ng lahat sa pagkakaroon ng isang boto sa pagpili ng kanilang kandidato kaya hindi ito dapat palampasin ng mga bototante.
Magandang senyales sa ilalim ng administrasyong Aquino ang muling pagtaas ng bilang ng mga rehistradong botante sa ilalim ng absentee voting. Pagpapakita rin ito ng panibagong interes at kumpiyansa ng ating mga kababayang tinatawag na "bagong bayani".
Dapat nating tandaan na bahagi ng mga pinagpagurang kita ng ating mga overseas Filipino na ipinapadala sa Pilipinas sa pamamagitan ng remittance ay napupunta sa mga proyekto, programa at gawain ng pamahalaan gaya ng paghahanda sa halalan.
Kaya naman dapat gamitin nila ang kanilang karapatan sa pagboto para hindi masayang ang kanilang kapangyarihan sa paghalal ng pinuno ng ating bayan.
Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment