Epektibo! | |
Dapat suportahan ng publiko ang panawagan ng pamahalaan na isumbong sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga pulitikong ginagamit ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program sa pulitika matapos magsimula ang kampanya sa lokal na halalan.
Kumikilos ang administrasyong Aquino upang tugunan ang mga reklamo mula sa ilang local government units (LGUs) na ginagamit ng ilang pasaway na mga pulitiko ang programa para makuha ang boto ng publiko sa halalan.
Tama si Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino sa paninindigang walang sinumang pulitiko ang maaaring magdesisyon kung maisasama o hindi ang mga benepisyunaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program.
Tanging ang DSWD lamang ang maaaring magtanggal ng benepisyunaryo ng programa sakaling hindi makasunod sa pamantayan at alituntunin. Maaaring maisama ang mga benepisyunaryo ng programa sa panahong matukoy sila ng National Household Targeting System ng DSWD.
Kabilang sa mga kondisyon ng programa ang regular na pagpasok sa mga eskwelahan ng mga anak ng benepisyunaryo, pagpapasuri ng mga buntis sa health centers at pagdalo sa tinatawag na family development sessions.
At ang determinadong pahayag ng pamahalaan na hindi titigilan ang paghahabol sa smugglers, tax evaders at ibang mga kriminal sa pamamagitan ng pagbuo ng malakas na kaso upang matiyak na mabibilanggo ang mga gumagawa ng mali.
Sa tulong ng malakas na "political will" ni PNoy para labanan ang katiwalian, hindi susuko ang pamahalaan nito para tapusin ang problema sa smuggling at prosekusyon ng mga nasa likod nito.
Sa ilalim ng liderato ni PNoy, nakasisiguro tayong kayod marino ang pamahalaan para mahuli ang smugglers at mga nasa pamahalaan na kanilang kasapakat.
Hindi lamang nagsasampa ng mga kaso ang pamahalaan laban sa smugglers, responsable rin ito sa pagsusulong ng tax evasion cases at iba pang kaso ng paglabag sa umiiral na mga batas.
***
Napag-uusapan ang good news, muli na namang nagkaroon ng positibong epekto ang matuwid na kampanya ni PNoy matapos lumabas sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS) na apat sa limang Pilipino o 81% ang kuntento sa kanilang buhay.
Ipinapakita dito ng mga Pilipino ang kanilang nag-uumapaw na tiwala, kumpiyansa at suporta kay PNoy isang patunay kung gaano ka-epektibo ang kampanyang "daang matuwid" ng Pangulo.
Sa hanay naman ng usapin ng kita ng Class ABC, 95% ang kuntento sa kanilang buhay. Ipinakita rin ng survey na lubhang mataas ang bilang ng mga taong kuntento sa kanilang buhay kung saan pumalo sa 82% sa Class D at 74% sa Class E.
Isinagawa ang fourth quarter 2012 survey sa hanay ng 1,200 adults sa buong bansa noong Disyembre 8 hanggang 11 kung saan sa hanay ng 81%, 33% dito ang labis na kuntento at 48% ang bahagyang nasisiyahan.
Asahan nating lalo pang magpapatuloy ang pamahalaan sa pagsusulong ng mga programa para iahon ang kalagayan sa ekonomiya ng bansa alang-alang sa interes ng publiko.
Malinaw na ginagawa ni Pangulong Aquino ang lahat upang maisulong ang interes at kagalingan ng publiko kaya't hindi nakakapagtakang namamayagpag ang senatorial candidates ng administrasyon.
Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment