Friday, April 19, 2013

Patuloy ang paglago!


                                     
                                 Patuloy ang paglago!
                                               REY MARFIL



Hindi na malaking sorpresa ang pahayag ng World Bank (WB) na imimintina nito ang pagtataya sa paglago ng gross domestic product (GDP) ng bansa sa 6.2% at 6.4% para sa 2013 at 2014, ayon sa pagkakasunud-sunod.
Bunsod ito ng patuloy na pagpapakita ng magandang senyales ng pagsulong ng ekonomiya sa ilalim ng matuwid na daang kampanya ni Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino.
Sa pinakabagong datos na inilabas ng East Asia and Pacific (EAP) Economic Update, sinabi ng World Bank na nananatiling malakas ang pundasyon ng ekonomiya ng bansa dahil sa walang humpay na repormang ipinapakita ng administrasyong Aquino.
Tinaya rin ng WB na malamang na umabot sa 6.3% ang paglago ng ekonomiya ng bansa sa 2015.
Sa pagbawi ng pandaigdigang ekonomiya, tinaya rin ng World Bank na aabot ang tinatawag na regional growth sa 7.8% sa 2013 at bahagyang bababa sa 7.6% sa 2014.
Maraming salamat sa malinis at matuwid na pamamahala ni Pangulong Aquino na siyang ugat sa pagsulong ng bansa tungo sa progreso.
***
Napag-usapan ang good news dahil kahilingan ni PNoy na isulong ang interes ng overseas Filipino workers (OFWs), personal na inasikaso ni Commission on Elections (Comelec) Chairman Sixto Brillantes Jr. kung papaano pa mas mapapabuti ang sistema ng overseas absentee voting (OAV) bilang paghahanda sa 2016 presidential elections.
Magandang marinig mismo kay Brillantes na isinusulong nito ang makatotohanang reporma sa sistema ng halalan matapos makipagpulong sa mga lider ng Filipino community sa Hong Kong.
Anyway, tama si PNoy na ibasura bilang batas ang Magna Carta for the Poor dahil nagbibigay ito ng maling pag-asa sa mga Pilipino.
Hindi kasi talaga makatotohanan ang ilang probis­yon ng panukalang batas, partikular dito ang paglalaan ng pamahalaan ng pinakamaliit na P2.32 trilyon para sa pabahay ng mga Pilipino.
Papaano nga naman mabibigyan ng pondo ang programa sa pabahay kung mas malaki pa ito sa P2.006 trilyong pambansang badyet ngayong taon?
Hindi bolero at lalong hindi manloloko si Pangulong Aquino kaya tama lamang ang kanyang naging desisyon.
Mas lalong hindi kontra sa interes ng mga mahihirap ang Pangulo, masigasig pa nga niyang pinalalawak at pinalalaki ang conditional cash transfer (CCT) program.
Patunay ang programang CCT sa pagmamahal ni Pangulong Aquino para sa mga mahihirap.
Kaya naman para mahanapan ng solusyon ang problema, inatasan na ni PNoy ang kinauukulang mga ahensiya ng pamahalaan na bumalangkas ng panibagong alternatibong panukala na isusumite sa susunod na Kongreso para talakayin.
Sa bagay na ito, pinatitiyak ng Pangulo na makatotohanan at maipagkakaloob ayon sa kakayahan ng pamahalaan ang magiging laman ng panibagong Magna Carta for the Poor.
Ito ang tinatrabaho ngayon ng Social Cabinet Cluster o Human Development and Poverty Alleviation.
Bakit nga naman paaasahin ng pamahalaan ang publiko sa isang batas na hindi naman talaga magsisilbi sa kanilang interes?
Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo". (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: