Monday, April 29, 2013

Magkaiba ng numero!



Magkaiba ng numero!
REY MARFIL




Naglabas ng panibagong datos ang National Statistical Coordination Board (NSCB) na nagpapakita na malaking problema pa rin sa bansa ang kahirapan. Ngunit, puna ng ilan, dapat bang ikumpara ang bagong datos ng 2012 sa datos noong 2006?
Sa datos kasi ng NSCB na iprinisenta ni Socioeconomic Planning Secretary Arsenio Balisacan, lumitaw na nakuha ang panibagong numero sa poverty incidence noong first semester ng 2012 na 27.9% at ikinumpara sa 28.8% noong 2006.
May mga nagsasabi na tila malayo na ang pagitan ng mga taon dahil natural din na dumami ang mahihirap noong 2012 dahil din naman sa mas marami na ang po­pulasyon nito kumpara noong 2006.
Bukod pa dito, may mga pumansin din na dahil kinuha ang datos noong first semester ng 2012, hindi naman daw kaya mas mababa na ang bilang ng mga mahihirap ngayon isang taon makaraan ang ginawang pinakahuling survey?
Gayunman, hindi naman talaga maikakaila na lubhang mahirap lunasan ang problema ng kahirapan. Ilang administrasyon na ba ang nagdaan at nangakong buburahin ang kahirapan pero nandiyan pa rin ang mga naghihikahos nating mga kababayan.
Kahit nga ang mga pinakamayayaman at maimpluwensyang mga bansa gaya ng US at sa Europe ay problema rin nila ang kahirapan. Bakit ba naghihigpit ngayon ang Kingdom of Saudi Arabia sa mga illegal at undocumented workers? Para mabigyan ng prayoridad sa trabaho ang kanilang mga kababayan.
***
Napag-uusapan ang report, marami ang pumupuna kung bakit patuloy ang kahirapan sa kabila ng mga sinasabing pag-unlad ng ekonomiya ng Pilipinas? Kung tutu­usin, nasa ikatlong taon pa lamang ang administrasyong Aquino kaya hindi dapat asahan na mababago nito ang sitwasyon ng kahirapan sa bansa sa maigsing panahon.
Ngunit kung susuriing mabuti, baka mas marami ang mga pamilyang Pilipino na nagsasabing mahirap sila kung walang pag-unlad na nagaganap ngayon sa bansa. Isipin na lang natin kung wala ang pinalaki at pinalawak na conditional cash transfer(CCT) program o pantawid pamilya program? Ano kaya ang magiging kalagayan ng mga mahihirap na nakikinabang sa programang ito?
Ang pagpapalabas ni Balisacan sa NSCB report ay pagpapakita rin ng transparency ng administrasyon ni Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino para makita kung epektibo o may nangyayari sa mga anti-poverty program ng gobyerno.
Take note: Mismong ekonomistang si Mareng Winnie Monsod ang nagsabing "hindi puwedeng ikumpara ang data noong 2006 at 2012" lalo pa't lumobo ang populasyon.
Sa kwenta ni Mang Kanor: Kung 92 milyon ang populasyon noong 2006 at 97 milyon noong nakaraang taon (2012), lumalabas pang nabawasan ang numero ng mga Pilipinong naghihirap dahil 5 milyon ang naidagdag sa loob ng 6 taon subalit magkapareho pa rin ang sitwas­yon, alinsunod sa NSCB report.
Kung nananatiling mataas ang antas ng kahirapan ng bansa, asahan na pag-iibayuhin ng gobyerno ang mga programa nito para matulungan ang mga naghihikahos nating kababayan.
Ayon kay Labor Secretary Rosalinda Baldoz, nagbigay na ng direktiba si PNoy na repasuhin ang 2011-2016 Philippines Development Program para makahanap ng paraan upang makalikha ng mga trabaho.
Isa rin sa pinagtutuunan ng pansin ng gobyerno ay ang pagpapaunlad ng sektor ng agrikultura dahil nandito ang malaking bahagi ng mga mahihirap nating kababayan. Bukod diyan, kailangan din talagang palakasin ang seguridad sa ating pagkain.
Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: