'Wag mangamba! | |
REY MARFIL
"The truth will set you free."
Iyan ang madalas na payo na naririnig natin sa mga alagad ng Simbahan kapag may taong lumalapit sa kanila at nalalagay sa alanganin.
Pero tila hindi yata ganito ang nararamdaman ng ilan sa kanila kaugnay ng kasong kinakaharap sa Sandiganbayan ng dating whistleblower na si Jun Lozada.
Sino nga ba si Jun Lozada? Siya ang dating "mala-BFF" o best friend forever ni dating economic planning Secretary Romulo Neri, na taga-apruba naman ng mga proyekto noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Nang panahon ni Mrs. Arroyo, itinalaga si Lozada bilang pinuno ng ahensyang Philippine Forest Corp., kung saan sinasabing nagkaroon siya ng mga palpak o maanomalya raw na desisyon na humantong na nga sa kasong katiwalian na kinakaharap niya ngayon sa Sandiganbayan.
Si Lozada rin ang naging isa sa mga pangunahing tumestigo noon sa Senado kaugnay sa imbestigasyon sa nabuliyasong kontrata ng ZTE-NBN deal ng China.
Katunayan, nang pahaharapin na siya noon sa Senado, bigla itong nawala at hindi mahagilap ng ilang araw dahil nagtungo pala sa Hong Kong.
At nang bumalik, sinabing "dinukot" siya ng mga kaalyado ni Mrs. Arroyo para hindi makadalo sa pagdinig ng Senado. Sa tulong ng mga madre na "nagkanlong" kay Lozada, natuloy ang pagharap niya sa Senado at idiniin sa umano'y anomalya sa ZTE deal ang ilang opisyal kabilang na sina Mrs. Arroyo at Neri.
Nang panahong iyon, ilang ulit nating narinig at nabasa sa mga pahayagan ang mga payo kay Lozada na huwag matakot na humarap sa Senado at isiwalat ang nalalaman niya dahil sa katwirang "the truth will set him free".
***
Napag-uusapan ang isyu, kung tutuusin, napakalaking sakripisyo ang ibinigay ni Lozada sa ginawang pagtestigo laban kay Mrs. Arroyo at sa dati niyang "BFF". Kaya naman inaasahan siguro ng mga tagasuporta ni Lozada na ngayong wala na si Mrs. Arroyo ay maaari na rin siyang malibre sa anumang pananagutan niya sa batas.
At laking dismaya nga siguro ng mga tagasuporta ni Lozada nang wala silang makuhang garantiya kay Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino na tutulungan ng kasalukuyang gobyerno ang whistleblower at matatapos na ang kanyang kaso.
Katunayan pa nga, nagpalabas na ng arrest order ang korte laban kay Lozada dahil sa kinakaharap niyang kaso. Kaya humingi sila ng panahon na makausap si PNoy na hindi naman sila binigo.
Katunayan, ilang matataas pa na opisyal ng Palasyo ang kasamang humarap sa kanila para malaman ang tunay na legal na katayuan ng kaso.
At ang resulta, umiikot na ang gulong ng pagdinig sa kaso ni Lozada kaya hindi na ito dapat pakialaman.
Kapag pinakialaman ni PNoy ang kaso, ito'y siguradong makakasuhan din bagay na nalalaman ng mga "supporter" ni Lozada.
Sa pagtantiya ni Mang Kanor, nais yata ng mga tagasuporta ni Lozada na gamitin ni PNoy ang kanyang kamay para mapigilan ang pag-ikot ng gulong ng hustisya. Kahit pa batid nila na magkahiwalay ang kapangyarihan ng ehekutibo at hudikatura.
Subalit malinaw ang naging posisyon ng MalacaƱang na hindi gagawain ng Pangulo na manghimasok sa mga kaso. Ang hirit naman ni Mang Gusting: Kung wala naman talagang kasalanan si Lozada sa kasong ibinibintang sa kanya, ano ang dapat niyang katakutan?
Ika pa ng magkumpareng Kanor at Gusting: Dapat ding isipin ng mga sumusuporta kay Lozada na magmumukhang walang pinagkaiba ang gobyernong Aquino sa dating administrasyon kapag sinunod ni PNoy ang kanilang kagustuhang pigilin ang pag-usad ng gulong ng hustisya.
Ang pinakamabuting gawin ng kampo ni Lozada hayaan ang korte na dinggin ang kaso at kapag nagkaroon na ng desisyon, saka natin hintayin ang aksyon ng pamahalaan, dahil dito ay maaari nang kumilos ang Pangulo sa pamamagitan ng "pardon". Kung guilty ang magiging hatol sa kanya ng korte.
Let's wait and see.
Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)
|
Wednesday, April 10, 2013
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment