Monday, April 22, 2013

Impluwensyang may katuturan!



Impluwensyang may katuturan!
REY MARFIL




Napabilang si Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino sa listahan ng 100 Most Influential People of 2013 na ipinalabas ng kinikilalang TIME Magazine.
Hindi dapat isipin na small time ang pagkilalang ito ng TIME Magazine dahil kung tutuusin, napakaraming lider sa mundo para mapansin si PNoy at ihilera sa hanay nina US President Barack Obama, China President Xi Jinping, North Korea leader Kim Jong Un at Pope Francis.
Ang 100 Most Influential People ng TIME ay hinati sa limang kategorya na Titan, Leaders, Artists, Pioneers at Icons. Si PNoy ay kasama sa kategorya ng may lider na kinilala ng nabanggit na babasahin.
Ang pagsama sa Pangulo sa listahan ng maimpluwensyang tao ay bunga ng mga ipinakitang paninindigan ni PNoy sa ilang kritikal na isyu na inakala ng iba na hindi niya kayang gawin.
Kabilang sa isyung ito na binanggit ng TIME ay ang usapin ng Reproductive Health Law, na ilang dekadang nabinbin sa Kongreso dahil sa matinding pagtutol ng Simbahang Katoliko.
Ngunit dahil naniniwala ang Pangulo na makatutulong sa mamamayan lalo na sa mga kababaihan ang naturang batas (bukod pa sa inaprubahan na ito ng mga mambabatas), nakalusot at naging ganap na batas sa wakas ang RH bill.
***
Iyon nga lang, hindi pa ito lubos na maipatupad dahil sa mga petisyon na nakabinbin sa Korte Suprema dahil sa pagkuwestyon sa legalidad RH Law. Bagay na kailangang igalang bilang bahagi ng proseso ng demokratikong bansa.
Bukod sa RH Law ay binigyang halaga din ng TIME ang mga nagawa ng administrasyong Aquino upang palakasin ang ekonomiya ng bansa sa loob lamang ng halos tatlong taon ng kanyang liderato.
Dahil din sa magagandang balita na nangyayari sa ekonomiya ng bansa tulad ng patuloy na paglakas ng stock market at pagpasok ng mga dayuhang namumuhunan, sunud-sunod na positibong marka ang nakakamit ng Pilipinas mula sa iba't ibang grupo na ang pinakahuli ay ang Fitch Rating.
Maging ang matibay na posisyon at paninindigan ni PNoy sa usapin ng mga pinag-aagawang bahagi sa West Philippine Sea ay binigyang-pansin ng TIME, na inilarawan nila na "brave stance, given the long-term consequences still unknown".
Ngunit sa isang pahayag mula sa MalacaƱang, sinabi ni PNoy na ang pagkilala sa kanya ng TIME ay dahil na rin sa mga kababayan niya.
Pero hindi nais akuin na mag-isa ng Pangulo ang kredito sa pagkakasama niya sa listahan ng TIME, bagkus, kinikilala rin niya ang mga tulong at pagtitiwala na ginagawa at ibinibigay sa kanya ng mamamayang Pilipino.
Maaari ngang masabi na maimpluwensya si PNoy, pero ang impluwensyang ito ay ginagamit niya sa patnubay pa rin ng kanyang prinsipyo na "daang matuwid".
Ginagamit ni PNoy ang impluwensya para sa ikabubuti ng bansa at ng mga Pilipino, at hindi para sa pansariling interes.

Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: