Wednesday, April 24, 2013

Magtiwala sa sarili!



Magtiwala sa sarili!
REY MARFIL



Sa loob lamang ng halos apat na buwan, nakapagtala na ang Philippine Stock Exchange index (PSEi) ng ika-27 record-high ngayong 2013 matapos magsara ang merkado noong Lunes sa 7,120.48 points.
Ang record high na ito ay ika-88 na sa loob lamang ng halos tatlong taon ng termino ni Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino mula nang mahalal siya noong Mayo 2010. Nang panahon iyon, ang ipinagdarasal pa lang ng maraming naglalaro sa merkado o stock market ay u­mabot ang kalakalan sa 5,000 points.
Ngunit higit pa roon ang nangyari. Sa pagsisimula ng kalakalan ng merkado nitong Enero 2013, bagong sigla agad ang bumungad sa bansa dahil sa panibagong record high na nakamit nito sa 6,000 points ng kalakalan.
At dahil sa patuloy na programa ng pamahalaang Aquino kontra sa katiwalian, matatag na liderato at matinong pamamahala, ganap na marahil na nanumbalik ang pagtitiwala ng mga namumuhunan bunga na rin ng panibagong record high na naitala ngayon sa mahigit 7,000 points.
Sa mga positibong numerong ito, mataas ang kumpiyansa ni PNoy na makakamit ng bansa ang panibagong record high na 8,000 points. Kapag nangyari ito, mistulang madodoble na nito ang inabutang marka ng merkado na iniwan ng nakaraang rehimeng Arroyo.
Ang malalaking kumpanya na nakikibahagi sa kalakalan sa stock market ay nagpahayag ng paghanga sa mabilis na pag-angat ng mga numero sa PSEi. Bagama't inaasahan nila na mararating ng merkado ang 7,000 points, hindi nila inasahan na mangyayari ito sa loob lamang ng apat na buwan matapos maitala ang record high na 6,000 points noong Enero.
***
Maaaring ang pagtaas ng kumpiyansa ng mga namumuhunan sa merkado ay dulot na rin ng mga positibong pagtingin ng mga dayuhang credit rating firm sa ekonomiya ng bansa.
Kamakailan lang ay muling itinaas ng kinikilalang Fitch Rating ang marka ng Pilipinas na tiyak na makakatulong sa gumagandang imahe ng bansa bilang destinasyon na dapat paglagyan ng puhunan.
At asahan pa natin na higit na dadami ang mamumuhunan sa Pilipinas kapag nakita nilang naging mapayapa at malinis ang resulta ng halalan. Magiging indikasyon ito ng patuloy na katatagan sa pulitika ng bansa na isa sa mga sinusubaybayan ng mga namumuhunan.
Gayunpaman, hindi kaagad magiging karugtong ng mga bumubuting kalakalan sa merkado ang pagsulputan ng mga trabaho. Hindi maiiwasan na kapag may positibong nangyayari ay may mag-iisip ng negatibo at ikakabit ang katanungan tungkol sa ano ang magiging pakinabang dito ng karaniwang mamamayan.
Isipin na lang natin na tulad ng tubig na lumalabas sa ating gripo, may mga tubo iyan na dadaanan na kaila­ngang gawin, hukayin at ilatag bago maikabit sa bahay. Hindi naman basta nanggaling sa dam ang tubig na diretso sa iyong bahay dahil tiyak na malulunod ka.
Tandaan lang natin na kung ang mga dayuhang namumuhunan ay nagtitiwala sa ating bansa para paglagakan nila ng negosyo, bakit naman tayong mga mismong Pilipino ay magdududa?
Huwag tayong magmadali, asahan na dadaloy din sa ating gripo ang tubig ng buhay.

Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: