Susi sa pag-unlad! | |
Malaking perwisyo ang dulot ng mabigat na daloy ng trapiko sa lahat ng mga sumasakay sa pampublikong sasakyan. Kapag papasok sa trabaho, lagot kay boss kapag na-late; at kapag uwian na, kay kumander ka naman lagot.
Kaya naman magandang balita ang hatid nang ginawang test run ng kauna-unahang Filipino-built Automated Guideway Transit (AGT) System sa UP Diliman, kung saan sinaksihan mismo ito ni Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino.
Personal na inalam ng Pangulo ang development sa naturang proyekto na pinagtutulungang gawin ng Department of Science and Technology (DOST) at ng mga henyo ng UP. At masaya si PNoy sa resulta ng proyekto matapos ang kanyang biyahe sakay ng air-condition train na may layong 500 metro mula sa College of Fine Arts ng UP hanggang sa University Avenue.
Kapag nagtuluy-tuloy ang proyektong ito ng monorail ng DOST at UP, talaga namang maipagmamalaki itong "Gawang Pinoy Para sa Pinoy." Maaari kasing ipakalat ang proyektong ito sa iba pang lugar na may mabigat na daloy ng trapiko at madalas na binabaha ang kalsada.
Hindi katulad ng tren ng Philippine National Railways (PNR), ang AGT ay parang MRT o LRT na nakataas.
Ang sinampolan ng Pangulo ay nakataas ng 6.1 meters mula sa lupa at walang naging problema sa pagliko sa mga kurbada kaya safe.
Kaya kung magiging pulido na ang AGP, maaari na itong ilagay sa mga masisikip na kalsada na hindi maaaring paglagyan ng MRT o LRT at sa mga kalsada na binabaha na hindi na maaaring dumaan ang mga pampasaherong sasakyan kahit ang bus.
Sa patuloy na pag-unlad ng ekonomiya ng bansa sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon ni PNoy, asahan din na magiging mabilis ang takbo ng buhay ng mga manggagawa. Pero papaano makasasabay ang tao sa mabilis na pagkilos kung usad-pagong ang daloy ng trapiko na pinapalala ng mga bastos at walang disiplinang mga motorista lalo na ang mga bus driver?
***
Kung tutuusin, isa sa mga layunin nang gawin ang MRT at LRT ay mapabilis ang biyahe ng mga mga tao tulad ng mga manggagawa dahil sumisikip na nga ang mga pangunahing highway tulad ng EDSA sanhi na rin ng dumadaming sasakyan kasama ang mga dambuhalang bus.
Subalit hindi pa rin makasabay ang LRT at MRT sa patuloy na pagdami ng mga manggagawa dahil na rin sa kakulangan ng pondo upang mapabuti ang serbisyo ng mga mass transport system na ito.
Hanggang ngayon kasi, malaking bahagi ng pamasahe ng mga pasahero ay sinasagot pa ng gobyerno sa pamamagitan ng subsidiya.
Kaya naman kung nais talaga ng mga pasahero o suki ng LRT at MRT na mapahusay ang serbisyo ng mga mass transport system na ito, kailangan din naman siguro tayong mag-ambag ng ating tulong sa pamamagitan ng dagdag na bayarin sa pamasahe. Ika nga sa kasabihan, "wag naman nating iasa ang lahat sa gobyerno kung makikita naman natin na ang tulong na ating ibibigay ay tayo rin ang makikinabang".
Ang maliit na dagdag sa pamasahe, kapag pinagsama-sama ay lalaki at makasasapat para makabili ng dagdag na bagon o coach sa tren. Mas maraming coach, mas maraming pasahero ang maisasakay, maiiwasan ang siksikan, mas mabilis ang pagdating ng mga bagon.
Kaya naman bukod sa pagpapahusay ng serbisyo ng MRT at LRT, magandang karagdagan sa transport system ng bansa ang AGP dahil makatutulong din ito sa pagsisiksikan ng mga sasakyan sa kalye na ang ibinubugang usok ay may masamang epekto sa kalikasan.
Sinabing ang isa sa mga palatandaan ng maunlad na bansa ay makikita sa mahusay nilang transportasyon kaya ngayon pa lang ay dapat na rin natin itong paghandaan.
Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment