Friday, February 22, 2013

Mapayapang solusyon!



Mapayapang solusyon!
REY MARFIL




Tama ang administrasyong Aquino sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa posisyon nitong dalhin na ang bangayan ng teritoryo sa China sa West Philippine Sea sa Arbitral Tribunal ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) para makamtan ang mapayapa at katanggap-tanggap na solusyon sa problema.
Kaya inaasahan na natin ang mabilis na pahayag ng pagsuporta nina Speaker Feliciano 'Sonny' Belmonte Jr. at maging si House Minority Leader and Quezon Rep. Danilo Suarez sa tamang hakbang na ito.
Maganda rin ang plano ng Kamara de Representantes na magpasa ng isang resolusyon na nagpapahayag ng todo-todong suporta sa desisyon ng pamahalaan.
Pinakamainam sa ngayon na suportahan ng lahat ng sektor ang plano ng pamahalaan na ipaglaban ang teritoryo ng bansa sa pamamagitan ng pagpapahayag ng nagkakaisa at malakas na tinig.
Pinakamabuti para sa lahat na dalhin na lamang ang usapin sa isang parehas na lupon para maresolba ang krisis - hindi sa pamamagitan ng pananakot o pambu-bully.
Bukod sa kaso, dapat tanggapin rin natin ang lahat ng ayuda sa iba pang bansa na mayroong interes sa teritoryong pinag-aagawan para barahin ang China lalo pa't limitado ang kakayahan ng ating bansa.
***
Hindi lang 'yan, maganda rin ang determinasyon ng administrasyong Aquino na isulong ang paghahabol sa perwisyong nilikha ng sumadsad na USS Guardian, isang 68-meter long minesweeper, sa Tubbataha Reef.
Sa katunayan, todo-todo ang pagsusumikap ng DFA sa paghahabol ng bansa sa pamamagitan ng dayalogo sa mga opisyal ng US sakaling maialis na ang US Navy ship sa Tubbataha Reef.
Talagang pinahahalagahan ng husto ni Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino ang Tubbataha Reef bilang pambansang kayamanan at natatanging lugar sa buong mundo.
Magugunitang itinalaga ang Tubbataha Reef ng UNESCO bilang World Heritage Site noong 1992 lalo't naging tahanan ito ng mahahalagang lamang-dagat na nanganganib maubos.
Binubuhay ng reefs ang maraming species ng koral, cetaceans, pating at iba't ibang mga isda o yamang-dagat.
Katanggap-tanggap naman sa ngayon na tutukan muna ang pag-aalis sa barkong sumadsad ng mayroong kakaunting pinsala sa reefs bago talakayin ng husto ang kompensasyon.
Ang paniniyak sa mas maliit na perwisyo at pinsalang maidudulot sa pag-aalis ng barko ang dapat na maging pangunahing konsiderasyon sa ngayon.

Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo". (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: