Wednesday, February 6, 2013

Ipaglaban ang dapat!



Ipaglaban ang dapat!
REY MARFIL



Dapat suportahan nating mga Pilipino ang ginawang hakbang ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na idulog na sa United Nations (UN) ang problema sa ginagawang pambabarako at pag-angkin ng China sa teritoryo ng ating bansa sa West Philippine Sea.
Sa paliwanag na rin mismo ni PNoy sa mga mamamahayag nang dumalo siya sa World Economic Forum sa Switzerland, isinangguni niya sa mga mambabatas, kasapi ng hudikatura at mga dating pangulo ang planong pagdulog sa UN tungkol sa ginagawa sa atin ng China.
Nagkakaisa naman ang mga lider ng ating bansa, maging ang kinatawan ng oposisyon sa Kongreso na dalhin na sa UN ang usapin ng West Philippine Sea upang malaman na sa mapayapang paraan kung sino ang may karapatan sa pinag-aagawang bahagi ng karagatan na pinaniniwalaang mayaman sa mineral.
Paliwanag pa ng Pangulo, may ilang insidenteng naganap sa WPS na tinatawag din nating Bajo de Masinloc na hindi naman talaga dapat palampasin. Isa na rito ay ang ginawang pagtaboy ng mga Chinese sa ating mga kababayang mangingisda na sumilong sa loob ng Bajo de Masinloc bunga ng masungit na panahon at malalakas na alon.
At kahit pa malinaw na bahagi ng teritoryo ng Pilipinas ang Bajo de Masinloc dahil pasok ito sa ating exclusive economic zone, pinalayas sa Bajo de Masinloc ang ating mga kababayang mangingisda at itinaboy sa malakas na alon sa kabila ng panganib.
***
Napag-uusapan ang pagtataboy, tinitiyak ni Mang Kanor na kung Chinese ang pumasok sa loob ng Bajo de Masinloc para sumilong at mga Pinoy ang nagbabantay dito, tiyak na hahayaan lamang natin sila sa loob habang masama ang panahon. Gagawin natin ito dahil marunong tayong magpahalaga sa buhay ng mga tao - dayuhan man o hindi.
Kaya kahit mayroong negosyante na nangangamba na baka ang pag-akyat sa UN sa usapin ay maglagay sa alanganin ang gagawing pagmimina sa pinag-aagawang bahagi ng West Philippine Sea, dapat pa ring unahin na ipaglaban ang ating karapatan sa lugar.
Ang pangamba ni Mang Kanor, gaya nga ng sinabi ni PNoy, baka pagkatapos ng Bajo de Masinloc ay ibang bahagi naman ng teritoryo ng Pilipinas sa WPS ang angkinin ng China at tuluyan na nilang kunin ang lahat ng ating teritoryo.
Nakakalungkot lang isipin na mayroon tayong mga kababayang negosyante, na higit na tinitimbang ang interes ng kanilang negosyo kaysa sa karapatan ng kanyang bansa.
Ang himutok naman ni Mang Gusting, matagal nang nanahimik at sumunod sa “trip” ng China ang mga Pinoy sa usapin ng WPS. Sa lahat aniya ng ginawang pambabarako sa Pilipinas tulad ng paglapastangan ng mga kababayan nila sa mga yamang-dagat na nasa ating teritoryo; pagpapalayas sa mga mangingisdang Pinoy sa loob ng Bajo de Masinloc; at paglalayag ng kanilang mga barko na malapit sa atin; pawang reklamo sa papel o “diplomatic protest” lang ang ating ginawa.
Baka nga sa dami ng ating protesta na ipinadala sa China na kanila namang dinededma, eh naubusan na ng bond paper ang Department of Foreign Affairs. Hirit pa nina Mang Kanor at Mang Gusting, aba’y nagpakita na tayo ng kabutihang asal nang alisin natin ang ating barko sa Bajo de Masinloc, pero ang isinukli sa atin ng China, laway!
Kung tutuusin, diplomatikong paraan pa rin naman ang ginawang pag-akyat ni PNoy sa UN sa reklamo natin sa China. Ang kagandahan lang nito, buong mundo na ang makakaalam sa problema, na taliwas sa gusto ng mga Tsino na pag-usapan ang problema ng “tayong dalawa lang”.
Sa ginawang hakbang ni PNoy sa pag-akyat sa UN, kahit papaano ay naipakita natin sa Tsina na wala kayong kwentang kausap kung hindi kayo magpapakita ng katibayan na kayo’y mapagkakatiwalaan at marunong magpahalaga sa buhay ng tao, kahit hindi niyo kababayan.

Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: