Monday, February 11, 2013

Walang kupas!




Walang kupas!
Rey Marfil



Maging ang oposisyon sa Kamara de Representantes, ito’y sumama sa pagpuri sa administrasyon ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino kaugnay sa umangat na estado ng Pilipinas bilang isa sa mga bansa sa buong mundo na mayroong malayang ekonomiya base sa 2013 Index of Economic Freedom.

Hindi na nakakapagtaka kung bumilib si House Minority Leader at Quezon Rep. Danilo Suarez sa panibagong karangalang nakuha ng pamahalaan para maisulong at masustina ang progreso ng ekonomiya dahil sa sinserong mga ginagawa nito laban sa katiwalian na nakakatulong sa pagpapataas ng kumpiyansa ng mga mamumuhunan sa bansa.

Tunay na malaking tagumpay ang 10 puntos na pag-angat ng bansa at asahan nating hindi titigil si PNoy sa pagkuha ng mas malaki pang tagumpay sa hinaharap.

Naitala ng Pilipinas ang 58.2 puntos sa kabuuang 100 puntos na pinakamataas sa lahat ng mga bansa sa buong Timog-Silangang Asya.

Base ito sa 2013 Index of Economic Freedom na magkatuwang na inilabas ng Washington D.C.-based na The Heritage Foundation at The Wall Street Journal.

Pinuri nito ang serye ng mga reporma sa Lehislatura para mapabuti ang ekonomiya ng bansa at magkaroon ng mas malawak na bagong mga trabaho para sa mga Pilipino.

Nakita rin nito ang umasensong paggugol ng pamahalaan, paglaya sa katiwalian, kalayaan sa pananalapi at kalayaan sa pamumuhunan.

At tama si PNoy sa pahayag nitong hindi titigilan ang kampanya laban sa katiwalian at ipagpapatuloy ang pagkalampag sa mga ahensya ng pamahalaan na hinihinalang tiwali.

Kitang-kita na hindi kumukupas ang sinseridad ng Pa­ngulo na resolbahin ang problema sa katiwalian na isa sa mga ugat ng kahirapan ng mga tao sa pamamagitan ng paghahanda ng mga sistema para matigil ito.
Halimbawa dito ang papu­ring inaani sa bumubuting serbisyo ng Land Transportation Office (LTO) na pugad ng fixers noon.

Kinikilala maging ng internasyunal na mga grupo ang pi­naigting na kampanya ni PNoy laban sa katiwalian, kabilang ang Transparency International na naglagay sa Pilipinas sa mas magandang estado sa usapin ng nawawalang katiwalian.

Asahan na nating mas bubuti pa ang kalagayan ng bansa sa patuloy na pagsusumikap ng Pangulo na ganap na matigil ang katiwalian sa hinaharap.

***

Anyway, sarado na dapat ang isyu ng pag-uugnay kay Executive Sec. Paquito ‘Jojo’ Ochoa Jr., pinuno rin ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC), sa madugong operasyon ng pulis at militar na nagresulta sa kamatayan ng 13-katao sa Atimonan, Quezon matapos nitong linawin na hindi inaprubahan ng pamahalaan ang code-named “Coplan Armado”.

Nagkakaroon ng panliligaw sa intrigang inaprubahan ng Malacañang ang nasabing madugong operasyon laban sa hinihinalang jueteng operator kung hindi titigilan ng mga intrigero ang walang basehang pag-uugnay.

Sa ilalim ni PNoy, hindi nito papayagang mangyari ang anumang iligal na operasyon o plano na posibleng makalabag ng batas at Konstitusyon.

Ipagpalagay man nating pinayagan man ang operasyon, imposible namang iutos ni Ochoa ang paggawa ng iligal na bagay laban sa batas lalo pa’t wala sa karakter ng opisyal ang gumawa ng kabulastugan.

Tanging si Victor “Vic” Siman, hinihinalang operator ng iligal na “jueteng”, ang target ng “Coplan Armado”.
Ang maganda dito, inatasan ni Ochoa ang kanyang mga tauhan sa PAOCC na isumite ang kanilang mga sarili sa awtoridad na nagsasagawa ng imbestigasyon. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.”
(mgakurimaw.blogspot.com)


No comments: