Monday, February 18, 2013

Pamana kay ‘Minda’




Pamana kay ‘Minda’
REY MARFIL


Muling humakbang sa tuwid na daan patungo sa kapayapaan kamakailan ang pamahalaang Aquino at liderato ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa pamamagitan ng paglulunsad ng Sajahatra Bangsamoro Program na ginanap sa Sultan Kudarat.
Mismong si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang namuno sa paglulunsad ng programa sa teritoryo ng MILF. Kapuri-puri ang ipinakitang pagtitiwala ni PNoy sa MILF na walang mangyayaring masama sa kanya kahit tumapak siya sa teritoryo ng itinuturing na mga rebelde.
Sa isang bahagi ng talumpati ni PNoy, binanggit niya na mayroong ilan na nagsabi sa kanya bago tumulak sa Mindanao kung dapat ba talaga siyang magtungo sa teritoryo ng MILF. Ang iba naman ay matindi ang bilin sa kanya na mag-ingat para sa kanyang kaligtasan. 
Kung tutuusin ay may katwiran ang pag-aalala ng ilan sa kaligtasan ni PNoy. Kahit ngayon naman ay may mga nagaganap na pag-atake ng mga armadong grupo sa tropa ng pamahalaan na nasa Mindanao. Bukod pa diyan ang ilang insidente ng pambobomba o pagsabog.
Ngunit dahil pursigido si PNoy na maisara ang usapang pangkapayapaan sa MILF, handa niyang isugal ang kanyang kaligtasan para maipakita niya sa mga rebelde na sinsero siyang makamit ang katahimikan sa Mindanao.
Kapalit naman ng pagtitiwala ni PNoy ay ang pagbibi­gay katiyakan naman ng MILF na kaya rin naman nilang protektahan ang Pangulo sa kanilang teritoryo. Isang makasaysayang eksena na nagsama-sama ang mga opisyal ng pamahalaan at MILF, ang mga tropa ng gobyerno at MILF, sa iisang mithiin ang kapayapaan.
***
Sa pamamagitan ng programang Sajahatra Bangsamoro, mapagkakalooban na ng benepisyong pangkalusugan (gaya ng PhilHealth), pangkabuhayan (cash for work) at iba pa ang mga mamamayan sa lugar, at maging ang mga pamilya ng mga mandirigma ng MILF. Mangyayari ito kahit wala pang opisyal na nilalagdaang kasunduang pangkapayapaan ang magkabilang panig.
Sa kasalukuyan, nirerepaso pa rin kasi ang Framework Agreement na lilikha sa organisasyon na papalit sa kasalukuyang Autonomous Region in Muslim Mindanao o ARMM. Inaasahan na bago matapos ang termino ni PNoy sa 2016 ay matatapos na ang kasunduan at opisyal ding mai­dedeklara ang pagwawakas ng pakikidigma ng MILF.
Sabi nga mismo ni PNoy, malaki ang potensyal ng Mindanao kung magkakaroon lang ng ganap na kapayapaan. Napakaraming magagandang lugar dito (gaya ng mga beach) na tiyak na dadayuhin ng mga turista; maraming nakatiwangwang na lupa na puwedeng sakahin at pag-alagaan ng hayop; malawak ang karagatan na pagkukunan ng mga isda at yamang-dagat.
Kung ganap na ang kapayapaan sa Mindanao, higit na yayabong ang karunungan ng mga kabataan doon sa pamamagitan ng pagtatayo ng mas maraming paaralan at paglalagay ng mas maraming guro.
Kaya naman sa halip na armas, tiyak daw na iba na ang ipamamana ng mga nakatatanda sa Mindanao sa kanilang mga anak.
Ngunit gaya na rin ng sinabi ni PNoy, asahan na mayroong madilim na puwersa na hahadlang sa minimithing kapayapaan ng pamahalaan at MILF. Kaya mahalagang magpatuloy ang pag-iipon ng positibong pagtitiwala ng magkabilang panig upang maipluwensyahan ng mga negatibo.
Dapat kapit-kamay ang pamahalaang Aquino at MILF sa pagtahak sa tuwid na daan tungkol sa kapayapaan at walang iwanan.
Ayon na rin mismo sa kuwento ni PNoy tungkol sa ma­rathon sa Boston, USA kung saan ang finish line ay nakapuwesto sa pataas na daan na tinawag na “Heartbreak Hill,” anumang hirap ng daan ay magiging madali at malalampasan kung patuloy na nagtutulungan ang mga magkakasama sa paglalakbay.

Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: