‘Di maka-move on! | |
REY MARFIL
Gaya ng inaasahan, puna at kritisismo sa administrasyong Aquino ang laman ng ipinalabas na pahayag ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) matapos ang ilang araw na pagpupulong ng mga pinuno ng Simbahang Katolika na pinangunahan ng mga arsobispo at obispo.
Hindi siyempre nawala sa mga batikos na ito ng Simbahan ang usapin ng bagong batas na Reproductive Health Law na matinding kinontra ng Simbahan, na sinuportahan naman ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino nang makita na higit na nakararami ang bilang ng mga mambabatas ang pabor sa batas ito.
Tila hindi pa nga nakaka-move on ika nga ang mga arsobispo at obispo sa usapin ng RH law dahil patuloy pa rin ang batikos nila sa mga mambabatas na sumuporta rito. At malamang na tumagal pa ito dahil tiyak na ikakampanya nila na huwag iboto ang mga kandidatong sumuporta sa nasabing batas sa darating na May elections.
Bukod sa RH law, inupakan din ng CBCP sa inihanda nilang pahayag ang pamahalaan tungkol sa umano’y patuloy na paghahari ng political dynasty, laganap na kahirapan, krimen at pagpapatuloy ng kultura ng karahasan sa bansa.
Patuloy daw na nangyayari ang mga nabanggit na usapin dahil sa tila kawalan ng political will ng kasalukuyang administrasyon na lutasin ang problema.
Pero teka, nakakailang taon pa lang ba si PNoy sa Palasyo? Hindi ba’t magtatatlong taon pa lang?
Naging ganito rin ba katindi ang CBCP noong panahon ng siyam na taong administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo?
***
Anyway, sa panahong pinutakte ng alegasyon ng katiwalian ang gobyernong Arroyo at maging ang ilang pinuno ng Simbahan na inakusahang tumanggap ng pabor sa nakaraang rehimen, naging maingay ba noon ang CBCP tungkol sa maraming naitalang kaso ng pagkamatay at pagkawala ng mga tagasuporta o pinaghihinalaang sumusuporta sa makakaliwang grupo? -- na panahon din kung saan maraming kasapi ng media ang pinaslang?
Kung nasilip ng CBCP ang mga puna sa magtatatlong taon pa lang na liderato ni PNoy, wala ba silang nasilip na magandang balita na maaari dun sana nila inilagay at pinuri sa ipinalabas nilang mensahe. Wala ba silang nakitang pagsisikap na ginagawa ng kasalukuyang gobyerno para sa ikabubuti ng bansa?
Gaya halimbawa ng kampanya ni PNoy kontra sa katiwalian kahit pa medyo malamig ang pagtanggap ng Palasyo sa Freedom of Information o FOI bill na isinusulong din ng Simbahan.
Hindi ba batid ng mga arsobispo at obispo na maraming opisyal, pulitiko at maging mga kontratista ang umaangal ngayon dahil lumiit kundi man tuluyang nawala ang kanilang “kickback” sa mga proyekto ng gobyerno dahil sa pagsusulong sa tinatawag na “tuwid na landas”?
Hindi rin ba nabalitaan ng mga opisyal ng CBCP ang patuloy na paglago ng ekonomiya ng bansa at pagbabalik ng kumpiyansa ng mga dayuhang namumuhunan sa ating bansa para maglagak sila ng negosyo? Nakalimutan ba nila na mas maraming negosyo, mas maraming trabaho para sa mga Pilipino?
Sa mga susunod na raw, ilalahad ni PNoy ang kabuuang paglago ng ekonomiya ng taong 2012 at tiniyak nilang ikalulugod ng mga Pilipino ang datos na nakalap ng National Economic and Development Authority (NEDA).
Hindi man sinabi ni PNoy ang eksaktong datos, pero malamang daw na mahigitan ng bansa ang inaasahang 5-6 percent na growth rate sa buong 2012. Kung tutuusin, partida pa iyan dahil mas mataas malamang ang paglago ng ekonomiya kung walang matitinding bagyo at pag-ulan na nangayari noong nakaraang taon na labis na puminsala sa ilang bahagi ng bansa tulad ng ginawa ni ‘Pablo’.
Sa panahon ngayon, nag-iisip na rin naman ang mga tao kung ang ibinabatong akusasyon sa gobyerno ay may batayan o nanggaling lang sa isang grupo o sektor na sadyang nais lang makapitik para makaganti.
Marahil kung mayroon mang pagkukulang ang administrasyong Aquino sa maigsing panahon ng liderato nito, hindi rin naman mawawala ang mga magagandang balita na nangyayari sa ating bansa na hindi nakikita ng taong nakapikit ang mata dahil sa inis o inggit.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
|
Friday, February 1, 2013
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment