Kasambahay! | |
Makatwirang batiin si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino sa paglagda nito noong nakalipas na Enero 18 sa Republic Act (RA) No. 1036, o An Act Instituting Policies for the Protection and Welfare of Domestic Workers.
Sa ilalim ng batas ng Kasambahay, itatakda ang minimum wage sa dalawang milyong domestic workers kung saan kasama sa isinusulong dito ang promosyon at pangangalaga sa interes, kagalingan at proteksyon ng kanilang karapatan.
Dahil sa paglagda ni Pangulong Aquino, tatanggap na ang isang kasambahay ng pinakamababang P2,500 buwanang suweldo sa National Capital Region (NCR); P2,000 buwanang kita sa chartered cities at first class municipalities; at P1,500 bawat buwan sa iba pang mga munisipalidad.
Rerebyuhin naman ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards ang estado ng kanilang mga suweldo isang taon matapos ang implementasyon ng batas.
Kasama rin sa benepisyo ng mga kasambahay ang pagkakaroon ng Social Security System, PhilHealth at Pag-IBIG Fund.
Bibigyan rin ang mga kasambahay ng pinakamababang walong oras na pahinga sa loob ng isang araw at isang araw na day off sa loob ng isang linggo.
Naunang isinumite sa Kongreso ang katulad na panukala 15 taon na ang nakakalipas at noong nakalipas lamang na Disyembre ng kasalukuyang 15th Congress sa ilalim ni PNoy naging ganap itong batas.
Malinaw ang labis at malalim na sinserong konsiderasyon ni PNoy sa pagsusulong ng kagalingan at interes ng mga kasambahay.
At tama rin si PNoy sa pahayag nitong hindi titigilan ang kampanya laban sa katiwalian at ipagpapatuloy ang pagkalampag sa mga ahensya ng pamahalaan na hinihinalang tiwali.
Kitang-kita na hindi kumukupas ang sinseridad ng Pangulo na resolbahin ang problema sa katiwaliaan na isa sa mga ugat ng kahirapan ng mga tao sa pamamagitan ng paghahanda ng mga sistema para matigil ito.
Halimbawa dito ang papuring inaani sa bumubuting serbisyo ng Land Transportation Office (LTO) na pugad ng fixers noon. Kinikilala maging ng internasyunal na mga grupo ang pinaigting na kampanya ni PNoy laban sa katiwalian, kabilang ang Transparency International na naglagay sa Pilipinas sa mas magandang estado sa usapin ng nawawalang katiwalian.
Asahan na nating mas bubuti pa ang kalagayan ng bansa sa patuloy na pagsusumikap ng Pangulo na ganap na matigil ang katiwalian sa hinaharap.
***
Napag-uusapan ang good news, asahan natin ang patuloy na progreso at paglikha ng karagdagang mga trabaho matapos aprubahan ni PNoy sa pamamagitan ng National Economic and Development Authority Board kung saan tumatayo siyang chairman ang pagsusulong ng ilang pangunahing proyektong pang-imprastraktura at kontra sa kahirapan na mga programa.
Kabilang sa mga proyektong ito ang Cavite-Laguna Expressway (CALAX Project), P35.57 bilyon; NLEX-SLEX Connector Road Project, P25.55 bilyon; at Adapting to Climate Change sa pamamagitan ng Construction of Water Impounding Facilities in the Philippines: Pasa Small Reservoir Irrigation Project (Pasa SRIP).
Popondohan ang mga proyekto ng official development assistance (ODA) na nagkakahalaga ng P935.6 milyon at lokal na pamahalaan na umaabot sa P93.41 milyon para sa kabuuang P1.029 bilyon.
Inaprubahan rin ang pagpapatupad ng mga sumusunod na programa na kinabibilangan ng Proposed Change in Scope of Second Cordillera Highland Agricultural Resources Management Project (CHARMP II) na nagkakahalaga ng P2.94 bilyon at Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan-Comprehensive Integrated Delivery of Social Service (KALAHI-CIDSS) National Community Driven Development Project na aabot sa P81.9 bilyon.
Bahagi ito ng matuwid na daan ni PNoy para matulungan sa kahirapan ang maraming mga Pilipino.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment