‘Wag magpatalo! | |
Hindi lang ang ekonomiya ng bansa ang nagpakitang gilas noong nakaraang 2012, kundi maging ang ating turismo matapos malampasan nito ang bilang ng mga dayuhang bumisita sa Pilipinas na naitala noong 2011.
Sa datos ng Department of Tourism (DOT), tumaas ng siyam na porsiyento ang bilang ng mga dayuhan na nakaranas ng “fun in the Philippines” noong 2012 (4.272 million foreign visitors) kumpara noong 2011 (3.917 million).
Mula sa Korea ang pinakamaraming foreign visitors ng bansa na umabot sa 1.031 million, na kumakatawan sa 24.13% ng bilang ng lahat ng mga bumisita sa Pilipinas. Positibong balita ito dahil ngayon lang umano umabot sa isang milyon ang mga bisita mula sa iisang bansa.
Dumagsa rin sa Pilipinas para mamasyal ang mga Amerikano, Hapon, Tsino, Taiwanese, Malaysian at mga Australyano. Naitala rin ang pagtaas ng bilang ng mga Ruso na dumayo sa ating bansa kumpara noong 2011.
Sa naitalang tagumpay na ito ng DOT, dapat lang na bigyan ng pagkilala ang ginagawang pagsisikap ni Secretary Ramon Jimenez, na maituturing “silent worker” sa mga opisyal ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino. At hindi ipagtataka ni Mang Kanor kung malayong kamag-anak ni Fidel Jimenez ng GMA 7 ang kalihim, aba’y ‘di nagkakalayo sa husay at galing!
Batid ni PNoy na malaki ang potensyal ng bansa sa turismo kaya ganu’n na lamang ang suporta niya sa programa ng DOT na palakasin ang sektor na ito. Bakit nga naman hindi, bukod sa papasok ang dolyares sa bansa sa pamamagitan ng gastos ng mga dayuhan, magiging daan din ito sa paglikha ng maraming trabaho?
***
Napag-uusapan ang turismo, sa kaalaman ng publiko ang pagdating ng maraming turista ay mangangahulugan ng mas maraming hotel na kanilang tutuluyan, mas maraming pasyalan na kanilang pupuntahan, mas maraming restaurant na kanilang kakainan at mas maraming sasakyan na gagamitin sa kanilang transportasyon.
At ang lahat ng ito’y mangangailangan ng tao, kaya ang resulta’y karagdagang trabaho, ewan lang kung “nababasa at naiintindihan” ng mga kritiko ni PNoy ang mga nangyayaring reporma at pagbabago, maliban kung sadyang nagmamaang-maangan para maganda ang soundbite ng mga ito?
Asahan na patuloy pang madadagdagan ang mga dayuhan na bibisita sa Pilipinas dahil sa patuloy na pagkilala na ginagawa ng mga dayuhan sa iba’t ibang pasyalan natin, tulad ng Boracay at Underground River sa Palawan.
Katunayan, kahit ang mga Tsino ay aminado na ang Pilipinas ang “Most Romantic Destination” batay sa isinagawang survey ng isang pahayagan doon. Habang ang Boracay ay naitalang panglima sa listahan ng “world’s most romantic islands”, batay naman sa mga mambabasa ng Travel and Leisure.
Pero hindi dapat iasa lamang ng mga Pilipino sa mga dayuhan ang pagpapasigla sa ating turismo, tayo mismo ay dapat manguna sa paglilibot sa magagandang lugar sa ating bansa.
Ngayong bakasyon, bago magplano ng “out of the country” trip, isipin muna kung anong lugar sa Pilipinas ang hindi mo pa napupuntahan at bigyang prayoridad ito sa gagawin mong paggastos sa pagliliwaliw.
Hindi masamang bumisita at tuklasin ang kultura at tanawin sa ibang bansa, gaya ng ginagawa ng mga dayuhan na pakay nila sa pagpunta sa Pilipinas.
Pero ang nakakahiya ay kung ang mga dayuhan pa ang unang nakakapansin sa mga magagandang tanawin sa Pilipinas at ikaw ay walang nalalaman at napupuntahang lugar sa sarili mong bayan. Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.”
(mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment