Monday, February 25, 2013

'Di dapat titigil!


'Di dapat titigil!
REY MARFIL





Mukhang hindi tama ang puna ng ilang militanteng grupo na paimbestigahan sa Commission on Elections (Comelec) ang ginagawang pamamahagi ng tulong ng pamahalaan sa mga mamamayan at pagsasagawa ng mga proyekto ngayon kahit pa panahon ng kampanya.
Isa sa mga pinupuna ay ang ginagawang pamamahagi ng pamahalaan ng mga PhilHealth cards sa iba't ibang lugar sa bansa, katulad ng ginawa ni Pangulong Noynoy 'PNoy' Aquino sa Sultan Kudarat nang ilunsad ang Sajahatra Bangsamoro Program.
Ang naturang programa ay nakasentro sa mga kapatid nating Muslim, lalo na doon sa teritoryo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) kung saan may isinusulong na usapang pangkapayapaan ang pamahalaan.
Reklamo ng militanteng grupo, tila agrabyado raw ang ibang kandidato sa halalan sa ginagawang pamamahagi ng programa ng pamahalaan. Naiisip nilang isang paraan ng pamimili ng boto ng pamahalaan ang mga programa kapalit ng pagboto sa mga kandidato ng administrasyon.
Bakit daw itinuon ngayong panahon ng eleksyon ang pamamahagi ng programa at pagpapatupad ng mga proyekto tulad ng pang-imprastruktura na nagdudulot ng trabaho sa iba nating kababayan?
Pero hindi kaya naisip ng grupo na wala namang dapat pinipiling panahon ang pagdating ng mga problema na kailangang hanapan ng solusyon. Hindi naman porke't may eleksyon ay bawal nang magkasakit; hindi dapat na dahil boboto tayo ng kandidato ay hindi na tayo kakain.
At hindi rin naman puwede na tumigil tayo sa pagbiyahe dahil may kampanya: Ibig sabihin, hindi dapat tumigil ang ikot ng ating buhay dahil may halalan.
Kung tutuusin, isa sa mga hinanakit ng mga kapatid nating Muslim ay ang paniwala na napapabayaan sila ng pamahalaan gaya ng kawalan ng mga ibinibigay sa kanilang serbisyo. Kailangan bang ipagpaliban ang paglulunsad ng Sajahatra Bangsamoro Program dahil lang panahon ng kampanya?
Dapat bang hindi na natin ayusin ang mga sirang kalsada at hayaan na nakatiwangwang ang mga lubak-lubak na kalsada dahil may gaganaping eleksyon? Ngayon ang tamang panahon na magkumpuni ng mga kalsada habang mainit ang panahon at wala pang ulan.
***
At hindi rin dapat ihalintulad ang ginagawang pamamahagi ng PhilHealth cards ni PNoy sa pamamahagi din ng PhilHealth cards na ginawa noon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Dapat isi­pin na hindi kandidato ngayon si PNoy kumpara noong panahon ni Mrs. Arroyo.
Bukod dito, wala ring mukha ni PNoy na naka­agay sa mga card at hindi siya nangangampanya na iboto ang mga kandidatong senador ng administrasyon kapag ipinapatupad ang mga programa. Hindi naman desperado ang Pangulo na gumawa ng mga alanganing hakbang para itulak ang kanyang mga manok sa eleksyon.
Dapat ding isipin na kaakibat ng mga programa at proyektong isinasagawa ng pamahalaan, gaya ng mga pang-imprastruktura ay nakalilikha ng mga trabaho na kailangan para sa ikabubuhay ng ilan nating kababayan.
Tiyak na mas marami ang magagalit sa pamahalaan kung titigil ito sa pagkilos at hahayaan ang mga lubak-lubak na kalsada dahil lang sa pag-iwas na maakusahang namumulitika ng ilang grupo.
Matatalino na ang mga botante ngayon. Alam nila kung sino sa mga kandidato ang kailangan ng bayan na dapat nilang iboto.
Sa halip na pag-isipan ng malisya ang mga ipatutupad na programa at proyekto ng pamahalaan kahit na ngayong panahon ng eleksyon, mas nararapat na bantayan ang mga kandidatong lalabag sa itinatakdang batas sa pangangampanya. At hindi si PNoy ang dapat bantayan dahil hindi naman ito kandidato sa eleksyon.
Laging tandaan: "Bata mo ko at Ako ang Spy n'yo." (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: