Mahaba-habang laban! | |
REY MARFIL
Napapanahon ang pagdaraos sa Pilipinas ng ikalimang komperensya ng Global Organization of Parliamentarians Against Corruption (GOPAC) kung saan si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang siyang nagbukas ng seremonya kamakailan.
Ang pagsusulong ng kampanyang “tuwid na daan”, na sentrong programa ng pamahalaang Aquino kontra sa katiwalian ang isa sa mga sinasabing dahilan ng paglago ng ekonomiya sa loob lamang ng halos tatlong taon sa termino ng Pangulo.
Matapos na mailatag ang mga reporma, nagtala ang pamahalaan ng 6.6 percent growth sa gross domestic product, na mas mataas sa inaasahang lima hanggang anim na porsiyentong paglago sa buong taon ng 2012.
Sa kanyang talumpati sa GOPAC, binigyang-diin ni PNoy sa mga dumalo sa komperensya ang pangangailangan ng estratihiko at pangmatagalang programa kontra sa katiwalian para hindi ito magpaulit-ulit.
Ginawa niyang halimbawa ang pagsasampa ng kaso laban kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo dahil sa mga alegasyon ng katiwalian sa panahon ng panunungkulan nito at ang pagpapatalsik kay dating Chief Justice Renato Corona bunga ng hindi pagdedeklara ng tamang ari-arian.
Kung walang pangmatagalang programa na gagawin ang mga mambabatas sa kani-kanilang bansa, hindi malayong magpapaulit-ulit lamang ang korupsyon na isa sa mga dahilan ng paghihirap ng mga mamamayan.
Ang pangambang ito ni PNoy ay maaaring mangyari din sa ating bansa lalo pa’t kilala ang mga Pilipino na madaling makalimot at magpatawad.
***
Napag-uusapan ang anti-corruption drive, isang araw lang matapos magsalita si PNoy sa GOPAC, nagpalabas ng pahayag si Mrs. Arroyo sa pamamagitan ng kanyang tagapagsalita, na nagsasabing kaisa raw ang dating Pangulo sa pagkontra sa katiwalian.
Ipinagmalaki pa ni Mrs. Arroyo na kasalukuyang nakadetine sa Veterans Hospital na ilang panukalang batas daw ang naaprubahan sa ilalim ng kanyang administrasyon na paraan upang labanan ang korupsyon sa transaksyon ng gobyerno.
Si Mrs. Arroyo ay nahaharap sa kasong pandarambong dahil sa umano’y maanomalyang paggamit sa pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office at ang nakanselang national broadband project sa isang kumpanya sa China. Hindi pa kasama diyan ang kasong electoral sabotage na pawang nakabinbin sa korte.
Hindi naging madali para sa administrasyong Aquino ang paglilinis sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan na nataniman ng sistemang katiwalian. Kung tutuusin, patuloy ang pagpurga sa mga opisyal at kawani sa gobyerno na nais subukan ang tuwid na daan ng kasalukuyang administrasyon.
Marahil ay maihahalintulad ang problema ng korupsyon sa ligaw na damo na nagkalat sa isang palayan.
Hindi sapat na tabasin lamang ang dahon dahil tutubo at tutubo pa rin ito.
Para mapakinabangan ang palayan, kailangang ganap na bunutin ang ugat ng damo para maitanim ang binhi ng palay at lubos na mapakinabangan ng mga mamamayan.
Laging tandaan: “Bata mo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
|
Monday, February 4, 2013
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment