Referee! | |
REY MARFIL
Maganda ang suhestiyon ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na tumayong “referee” nina Budget Sec. Florencio Abad at Commission on Elections Chairman Sixto Brillantes upang talakayin ang kailangang pondo ng Comelec para tiyaking walang aberya ang halalan sa 2013.
Dahil dadaan naman sa proseso ng deliberasyon ng 2013 General Appropriations Bill ang problema, maaari naman talagang maayos ang anumang suliranin sa halip na magsalita ang mga opisyal sa media.
Kulang lamang naman dito ang dayalogo at inaasahan nating magiging maayos ang lahat dahil na rin sa magandang panukala ni PNoy -- dito napakaeksperto ng Pangulo.
Walang nakikitang problema ang mga kurimaw sa pangangailangan na dagdagan ang pondo ng ahensiya sa kondisyong maipapaliwanag nito nang lubusan na talagang kailangan ang mas malaking halaga.
Sigurado naman sa ilalim ng matuwid na daan ni PNoy, ipagkakaloob ng pamahalaan ang kailangang ayuda sa Comelec at kailangan lamang magtugma ang kuwenta nina Chairman Brillantes at Sec. Abad para hindi magkaroon ng problema.
Kapuri-puri ang kagustuhan ni PNoy na mamagitan kina Sec. Abad at Chairman Brillantes para matiyak ang malinis, kapani-paniwala at mapayapang halalan sa susunod na taon. Sa mahabang panahon, isyu ang dayaan sa bawat eleksyon at hindi pa nga nakakapag-file ng certificate of candidacy, merong sumisigaw na dinaya!
***
Sa kabila ng patuloy na nakakainis na panggigipit ng China, kahanga-hanga ang pagdadala ng Department of Foreign Affairs (DFA) sa isyu alinsunod sa kautusan ni PNoy upang isulong ang kasarinlan ng bansa kaugnay sa tumitinding tensiyon sa West Philippine Sea.
Mahusay ang pagsusulong ng Code of Conduct ni DFA Secretary Albert Del Rosario sa pinag-aagawang mga teritoryo, alinsunod sa direktiba ni PNoy na magkaroon ng mapayang solusyon sa halip na mauwi ang sitwasyon sa isang digmaan.
Tanging ikinakasama ng loob ni Mang Gusting -- ang katotohanang salat sa armas ang gobyerno na dapat sana’y pinalakas sa nagdaang panahon -- isang rason kung bakit dinuduro ngayon ang Pilipinas dahil sa kapabayaan ng mga dating opisyal at mas inuna ang kumita sa mga kontrata.
Mantakin n’yo, nakipag-golf pa kahit may-sakit at naka-confine ang asawa sa ospital!
Sa ngayon, walang ibang dapat gawin ang publiko kundi suportahan ang pamahalaan sa posisyon nito na meron mga lugar na dapat pag-usapan kung sino ang magmamay-ari at mayroon din naman talagang mga isla na hindi kailangang magkaroon ng debate dahil malinaw na bahagi ito ng Pilipinas.
Nanatiling magandang bagay dito ang pagiging bukas ng pamahalaan na maresolba ang suliranin sa mapayapang pamamaraan, alinsunod sa umiiral na internasyunal na mga batas at kasunduan.
Napakadaling maghamon at magkomento ng giyera, katulad ng suhestyon ng mga “utak-pulbura” subalit anong kapakinabangan sa kabuuan kapag nagkaputukan -- maraming buhay ang madadamay at kabuhayan ang masisira -- ito’y hindi katanggap-tanggap sa lipunang demokrasya at mapayapa.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
|
Wednesday, August 1, 2012
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment