Responsible! | |
Ano ang pagkakatulad nina Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino at mga alagad ng Simbahang Katoliko - sila’y pare-parehong walang anak, maliban sa ilang kaparian na itinatago ang kabalbalan at gusto pang palabasing “nagkahimala” kaya’t nagkaanak kahit labag sa kautusuan at panuntunan ng Vatican.
Kaya’t nagtataka ang mga magtataho sa kanto ng EDSA na may walong anak kung bakit nagtatalo sila sa Reproductive Health bill o sa panukalang batas na Responsible Parenthood na isinusulong ni PNoy.
Ika nga ng mga kurimaw, ano ba nga naman ang alam nina PNoy at mga obispo tungkol sa pagpapamilya gayung wala naman silang pinapalaking anak. Tama ba ang nasa isip ng magtataho? Mali.
Ang katotohanan -- si PNoy ang ama ng ating bansa, tayong mga mamamayan ang kanyang mga anak. At katulad ng isang ama, hangad din ni PNoy ang magandang buhay para sa kanyang mga anak.
Pero papaano mabibigyan ni PNoy ng magandang buhay ang kanyang mga anak kung sobrang dami ito pero maliit lang ang pondo para maitaguyod ang kanyang pamilya? Dito pumapasok ang pagiging responsableng magulang; huwag kang mag-aanak ng marami, kung hindi mo naman kayang damitan, pag-aralin at pakainin.
Marahil, tanging walang konsensyang ama o magulang lang ang makakatiis na makitang nagugutom at naghihirap sa sakit ang kanilang mga anak, nakikitang nababasa tuwing umuulan dahil tumutulo ang bubong ng bahay o lumilikas tuwing bagyo dahil nakatira sa ilalim ng tulay.
***
Napag-uusapan rin lang naman ang Responsible Parenthood, binata man ang ating Pangulo, nakita naman niya ang ginawang pagpapalaki ng kanyang mga kapatid na babae sa kanyang mga pamangkin.
Nakita rin niya ang mga problema ng kanyang mga kaibigan na may pamilya kung gaano kahirap at kaseryoso ang magpaaral ng mga anak.
Kung taong walang pakialam si PNoy, marahil ay hahayaan lang nito ang mga mag-asawa na mag-anak nang mag-anak kahit hindi na nila kayang tustusan. Pero hindi, ang kawalan ng kakayahan ng mga magulang na buhayin ang kanilang mga anak, ito’y naipapasa sa “ama” ng ating bansa.
Walang binanggit si PNoy sa responsableng pagpapamilya o maging sa Reproductive Health bill na ipalaglag ang mga sanggol sa sinapupunan, katulad sa “media spin” ng mga kontra sa panukalang batas kaya’t walang dapat ipagngitngit ang kaparian.
Ibig sabihin, kabaliktaran lahat sa nais palabasin ng ilang obispo na itinataguyod ng RH bill ang abortion. Kung totoo ang abortion sa RH bill, hindi ito papasa dahil ipinagbabawal ito sa ating Saligang Batas.
Sa halip, nais lang gabayan ng panukalang batas ang mag-asawa na magdesisyon at suportahan kung nais nilang planuhin ang pagdami ng kanilang anak. Dito papasok ang mga contraceptives at iba pang pamamaraan upang hindi mabuntis -- ito’y malayo pa rin sa gustong palabasin ng mga obispo na “alisin” ang ipinagbubuntis.
Hindi gaya ni PNoy, ang mga alagad ng Simbahan ay walang pananagutan sa ilalim ng batas na buhayin ng maayos ang lahat ng mga Pilipino -- Katoliko man o anumang relihiyon.
Ika nga ni Mang Gusting, hindi kaya naisip ng ilang alagad ng Simbahan na dumadami na ang mga batang hindi nabibinyagan, hindi naipaparehistro at lumalaking walang birth certificate dahil sa kahirapan ng buhay?
Tungkulin ng Simbahan na ipaglaban ang kanilang doktrina, pero tungkulin din ng estado na itaguyod ang magandang kinabukasan ng bawat sanggol na Pilipino na isisilang sa ating bansa.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment