Monday, August 20, 2012

Walang premature!




Walang premature!
REY MARFIL



Walang basehan ang alegasyong “premature campaigning” nang isama ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ang kanyang potensyal na pambato sa Senado sa 2013 sa pagbisita sa mga evacuation centers.
Take note: Hindi pa nakakabuo ng senatorial slate ang administrasyon at pa­wang “palipad-hangin” ang mga pangalang binabanggit sa publiko.
Sa kaalaman ng publiko, mahalaga at mayroong kanya-kanyang papel na ginagampanan ang presensya nina TESDA Director-General Joel Villanueva, Aurora Rep. Sonny Angara at dating Akbayan Rep. Risa Hontiveros sa pagkakaloob ng relief goods -- ito’y personal na nasaksihan ang problema sa mga evacuations.
Kailangan ang kasanayan ni Sec. Joel para sa posibleng pagkakaloob ng pagsasanay at trabaho sa mga lugar na nasalanta ng kalamidad na bahagi ng kanyang mandato sa TESDA -- ito ang binabago ni Sec. Joel sa kanyang departamento na napakalayo sa masamang imaheng nadatnan nito.
Mahalaga naman na malaman ni Cong. Sonny ang lawak ng pinsala ng bagyo dahil sa isinasagawang delibe­rasyon ng Kongreso sa 2013 P2.006 trilyong pambansang badyet. At paano masasabing “premature” ang ginawa ng mga senatoriables, eh hindi naman buntis ang mga ito?
Hindi rin magpapahuli ang kahalagahan sa presensya ni Hontiveros na siyang tagapagsalita ng National Anti-Po­verty Commission. Ang pagtakhan at batikusin ng mga kritiko kung walang nakikitang public officials na tumutulong sa mga biktima ng kalamidad o walang relief goods na natatanggap ang mga ito.
Bilang public officials na posibleng tumakbo sa Senado, mahalaga na malaman nila ang mga pinasalang hatid ng iba’t ibang delubyo dahil iba ang personal na makasama ang mga taong biktima at makita ang kanilang mga pangangailangan. Sa halip batikusin, bakit hindi gumawa ng sariling itinerary sa iba’t ibang evacuations centers ang mga mahilig “kumiyaw-kiyaw” kesa pag-initan ang pagmamagandang-loob ng mga kakampi ni PNoy!
Sumama sina Cong. Sonny at Sec. Joel kay PNoy sa pagbisita sa nabahang mga lugar sa Muntinlupa City, Marikina, Quezon City, Caloocan at Valenzuela kung saan labis na kailangan ang mga tulong. Ang tanong ni Mang Gusting: Sino bang gusto ng mga kritiko na isama ni PNoy sa evacuations, alangang sila, eh puro banat lang naman ang nasa kukote?
Sumama naman si Customs Commissioner Ruffy Bia­zon kay PNoy sa Muntinlupa City kung saan siya dating kongresista at personal na makita na rin kung ano ang mga nakum­piskang mga bagay ng kanyang ahensya na posibleng pakinabangan ng mga biktima. At naroon ang amang si Cong. Rodolfo Biazon.
Maging si Senator Koko Pimentel, ito’y umaming kasama dapat sa pagbisita ni PNoy sa mga biktima ng pagbaha sa Marikina at hindi lamang natuloy dahil na-divert ang Pa­ngulo sa NDRRMC. Kung natuloy ang pagsama ni Senator Koko, wala rin nakikitang masama ang mga kurimaw lalo pa’t residente ng Marikina ang mambabatas at isa sa mga biktima ng bagyong Ondoy.
Ni sa panaginip, ayaw isipin ng mga kurimaw na naninira at bahagi ng maruming pamumulitika ng mga kalaban ng administrasyon ang pag-atake sa mga ito kahit malinaw na malinis ang intensyon ng kinauukulan na makatulong.
***
Anyway, tama ang Malacañang sa kautusang paigtingin ang implementasyon ng mga batas upang protektahan ang mga estudyante sa fraternity hazing at dapat mapanagot sa batas ang mga nasa likod nito.
Kailangan ang istriktong pagpapatupad ng batas at dapat kilalanin sa lahat ng oras at pagkakataon.
Importanteng maisulong ang prosekusyon ng mga taong nahaharap sa karu­mal-dumal na krimen.
Kung mahuhuli ang mga ito, dapat lamang silang humarap sa pinakamabigat na parusa base sa itinatakda ng batas.
Tinutukoy natin ang pagkamatay ni San Beda College freshman law student Marc Andrei Marcos sa isang farm sa Dasmariñas City na sinasabing resulta ng fraternity hazing.
Mahalaga ring isipin ng mga unibersidad at kolehiyo na kanilang responsibilidad ang pagtiyak sa kaligtasan ng kanilang mga estudyante laban sa iba’t ibang porma ng karahasan sa kanilang campus, kabilang ang hazing.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: