Friday, August 10, 2012

Madaling magpa-pogi!




                                  Madaling magpa-pogi!



Bukod sa Reproductive Health (RH) bill, kontrober­syal din at inaabangan -- lalo na ng ilang mga mamamahayag ang Freedom of Information (FOI) bill.
Ang FOI bill ang sinasabing magiging sandata ng mga nais magkaroon ng totoong “transparency” sa gobyerno.
Kung magkakaroon ng ganitong batas, mas magiging madali sa mga publiko -- lalo na sa media na makakuha ng mga dokumento na may kaugnayan sa mga transaksyon ng gobyerno o mga opisyal ng pamahalaan.
Kung tutuusin, maging si Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino ay nagpahayag ng suporta noong panahon ng kampanya tungkol sa ganitong panukala. Hindi naman ito kataka-taka dahil kasama noon sa kanyang plataporma ay ang magkaroon ng lubos na transparency sa pamahalaan.
Nakakalungkot nga lang na may ilang grupo na tila nagmamadali na maipasa ang kanilang panukalang batas ga­yung nasa ikalawang taon pa lamang ang kasalukuyang administrasyon.
Mismong si PNoy na rin naman ang naggarantiya na maipapasa ang panukala pero kailangan lamang na himayin at pag-aralang mabuti para mabalanse ang kapakanan din ng estado.
Kung tutuusin, kung nais ni PNoy na magpa-pogi at makuha ang kiliti ng media, madali niyang maisasama sa priority bills ang panukala para maipasa kaagad ito ng gob­yerno lalo pa nga’t ngayo’y tila may nais samantalahin ang pagiging prangka ng Pangulo tungkol sa ilang media personalities na tila may kulay ang mga negatibong kritisismo sa gobyerno.
Muling naging sentro ng atensyon ang FOI bill nang hindi ito mabanggit ni PNoy sa kanyang nakaraang talumpati sa SONA. Bukod pa diyan, ipinagpaliban din ng House committee on public information ang pagtalakay sa panukalang batas.
Ngunit paliwanag ni Rep. Ben Evardone na chairman ng komite, walang intensyon na patulugin sa komite ang panukalang batas, bagkus ay patuloy na isinasagawa ang pagrepaso dito upang mapagsama-sama ang magkakaibang panukala.
***
Napag-uusapan ang FOI bill, maging sa naunang panayam kay Undersecretary Manuel Quezon III ng Presidential Communications Development and Strategic Planning Office (PCDSPO), sinabi nitong si PNoy na mismo ang nagsabi na nais niyang maisabatas ang FOI bill sa ilalim ng kanyang administrasyon.
Hindi ba’t apat na taon pa ang nalalabing termino sa kanyang pamahalaan? Kaya ano ang dapat apurahin? Ika nga ni Mang Gusting: Dapat ikatuwa ng mga sumusuporta sa FOI bill ang ilang hangarin ng pamahalaan na baguhin sa panukala tulad ng pag-alis sa naunang mungkahi na bumuo pa ng ahensya na susuri sa mga request sa pagsilip sa mga dokumento dahil magiging panibagong sapin iyon ng burukrasya.
Masusi ring pinag-aaralan ang pagdodokumento sa mga transaksyon sa gobyerno para sa tinatawag na “paper trail” kung may hahalungkating anomalya -- iyon nga lang, dapat din namang protektahan ng pamahalaan ang kapakanan ng estado lalo na kung sangkot dito ang seguridad ng gobyerno o iba pang operasyon ng militar at pulisya.
Bagaman suportado ni PNoy ang FOI bill, dapat din naman niyang timbangin at pag-aralan itong mabuti. Hindi dapat magpadala ang Pangulo sa pressure at pangungulit ng mga ibang nagtataguyod sa panukala. Dapat alalahanin na hindi lang ang gobyerno niya ang mapapasailalim dito kundi ang gobyerno ng mga susunod sa kanyang presidente.
Kapag nagkaroon ng palpak sa panukala, natural na siya ang masisisi; at tiyak na hindi niya iyon nais mangyari. Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)

No comments: