Sakripisyo! | |
Dalawampu’t siyam na taon (29) na ang nakalilipas nang magimbal ang bansa sa balitang patay na si Ninoy, ang matinding kalaban noon sa pulitika ni Makoy.
Sa mga bagong henerasyon, si Ninoy ay ang dating senador na si Benigno Aquino Jr., butihing ama ni Pangulong Benigno “PNoy” Aquino III. Samantala, si Makoy ay ang diktador na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr., ama ng kasalukuyang senador na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Bagama’t halos tatlong (3) taon pa ang lumipas bago naganap ang makasaysayan at mapayapang People Power revolution noong 1986 na naging dahilan para mapatalsik sa Palasyo si Makoy, ang pagkamatay ni Ninoy ang itinuturing na naging mitsa ng rebolusyon na naging dahilan ng pagbabalik ng kalayaan sa bansa.
Marahil ngayon, kilala na lang natin si Ninoy dahil sa kanyang larawan sa P500 papel -- si Ninoy na tatay ng aktres na si Kris Aquino -- si Ninoy na asawa ni dating Pangulong Cory Aquino -- si Ninoy, ang tatay nga ni Noynoy.
Ang mga Pilipino raw ay madaling makalimot, mahina sa history at tila walang masyadong interes sa kasaysayan. Kaya naman marahil marami sa ating historical landmark ang napapabayaan, hinahayaang masira.
Bagaman 29-taon pa lang ang nakakaraan, marami na sa ating mga kababayan ang nakalimutan na ang ginawang pag-aalay ng buhay ni Ninoy para sa bayan na labis niyang minahal -- ang Pilipinas.
Kahit mapayapa na noon ang buhay ng kanyang pamilya sa Amerika kasama si Cory at kanilang mga anak na kinabibilangan ni Noynoy, mas pinili pa rin ni Ninoy na umuwi, hindi para kalabanin si Makoy, kundi paghilumin ang hidwaan sa pulitika sa bansa.
Lalo na’t lumalakas noon ang puwersa ng mga rebeldeng komunista laban sa gobyerno ni Makoy. Ano nga kaya ang nangyari sa ating bansa kung naging makasarili si Ninoy at nanatili na lamang sa US at wala na siyang pakialam sa Pilipinas? Pero hindi, kahit batid niya na may banta sa kanyang buhay kapag umuwi sa Pilipinas, nagpasya si Ninoy na umuwi sa bansa.
***
Napag-usapan ang pagka-martir ni Ninoy, gamit ang pasaporte na may pangalang Marcial Bonifacio (pinagsamang martial law na idineklara ni Makoy at bayaning si Andres Bonifacio), lumapag sa Manila International Airport ang eroplanong sinakyan ni Ninoy.
Bago bumaba ng eroplano, nagpaalala noon si Ninoy sa mga kasamang media sa eroplano nang umuwi siya na dapat silang maging alerto at ihanda lagi ang camera; dahil anumang sandali ay maaaring may mangyari daw sa kanya at matapos na ang lahat.
Hindi nagkamali si Ninoy sa kanyang naisip na senaryo. Ilang sandali nang sunduin siya ng ilang militar sa eroplano, ilang putok ng baril ang narinig -- patay na si Ninoy.
Sa pagkamatay ni Ninoy, napagbuklod ang oposisyon at nagpatawag ng snap elections si Makoy noong 1986 kung saan ang nakalaban niya sa pampanguluhang halalan ay si Cory.
Nang maganap ang halalan, nagkaroon ng mga alegasyon ng dayaan and the rest is history na nga ‘ika nga… naganap ang EDSA 1 People Power, napatalsik si Makoy at naupo si Cory.
Dalawampu’t siyam na taon na nga ang nakalipas, nakabalik na sa Pilipinas ang mga kamag-anak ni Makoy at mga nakaupo na ulit sa puwesto. Nagtapos na ang termino ni Cory at Pangulo natin ngayon ang anak nilang si Noynoy.
Sa pagsasakripisyo ni Ninoy at sa tulong ng kanyang may-bahay na si Cory, nawala ang diktadurya at naibalik ang demokrasya. Pero nanganib muli ang katatagan ng bansa sa ilalim ng nakalipas na administrasyong Arroyo dahil sa alegasyon ng mga katiwalian.
Pero sa pagkakataong ito, ang kanilang anak na si Noynoy na ang may bitbit ng sulo ng katwiran para mailatag ang mga reporma tungo sa “tuwid na daan”, at mapalakas muli ang mga pinahinang institusyon.
Sa paglipas ng panahon, hindi lang dapat sa kanyang kabayanihan dapat nating pasalamatan si Ninoy, dapat din natin siyang pasalamatan sa pagkakaroon ng anak na katulad ni Noynoy, at pinalaki nila ito ni Cory na may takot sa Diyos, malasakit sa bayan at pagmamahal sa mga Pilipino.
Laging tandaan: “Bata n’yo ‘ko at Ako ang Spy n’yo”. (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment