Nailawan! | |
Isang napakagandang balita na naman ang paniniyak ni Pangulong Noynoy ‘PNoy’ Aquino na mabibigyan ng kuryente ang karagdang 6,007 sitio sa pagtatapos ng taon dahil sa maigting na trabaho at dedikasyon ng Punong Ehekutibo.
Nangangahulugan na makikinabang ang mas maraming tahanan sa benepisyo ng kuryente, maging ang mga residenteng nasa malalayong mga lugar, partikular ang mga nag-aaral na bata.
Sa mahabang panahon, kinaligtaan ng mga dating nakaupo sa gobyerno ang malalayong probinsiya at sinadya pang “doktorin” ang mga datos, as in pinalabas pang nakumpleto ang programa gayong ang katotohana’y balot pa rin ng kadiliman ang napakaraming sitio sa Pilipinas.
Sa nakaraang 33rd Annual General Membership Meeting of the Philippine Rural Electric Cooperatives Association, Inc. (PHILRECA) na isinagawa sa Philippine Trade Training Center sa Pasay City, tiniyak ni PNoy ang pagpapailaw sa mga natitirang sitio sa buong kapuluan.
Matapos ang dalawang taong panunungkulan, sa tulong ng Department of Energy, National Electrification Administration at stakeholders, katulad ng PHILRECA, unti-unting nakakapagdulot ng ginhawa ang programang pailaw ng pamahalaan sa mas maraming mga Pilipino.
Mula Oktubre 2011 hanggang Hulyo ng kasalukuyang taon, 2,400 sitio ang nabigyan ng serbisyo sa kuryente, as in walang kuwestyon na talagang kapaki-pakinabang ang programang ito ng Pangulo na nagawang posible dahil sa malinis na pamamahala nito.
Maganda rin ang pananaw ng Pangulo kaugnay sa pagkilala na marami pang kailangang gawin upang mas maraming Pilipino ang makinabang sa serbisyo ng kuryente dahil matitiyak natin na magtutuluy-tuloy ang magandang programa.
***
Napag-uusapan ang aksyon, kapuri-puri ang pinaigting na kampanya laban sa smuggling ni PNoy para matiyak ang mas malaking koleksyon sa buwis na magagamit para sa pagkakaloob ng serbisyo sa publiko.
Tunay na mabuti sa kapakanan ng publiko ang tamang komendasyon ng Pangulo sa Bureau of Customs (BOC) dahil sa inisyatibo nitong supilin ang iligal na aktibidad, partikular ang pagkakahuli sa smuggled na bigas sa Subic.
Matindi ang pagsusumikap ni Customs Commissioner Ruffy Biazon para maresolba ang problema sa smuggling at habulin ang mga grupo at indibidwal na nasa likod ng iligal na aktibidad at mismong si PNoy ang nagbigay ng “tip” sa kontrabadong nasabat sa Freeport.
Dapat nating tulungan sina PNoy at Biazon sa kanilang pinalakas na kampanya laban sa smuggling dahil magagamit sana sa kapakinabangan ng publiko ang tumatagas na koleksyon, katulad ng panustos sa konstruksyon ng karagdagang classroom, pambili ng libro at pang-repair sa mga kalsadang winawasiwas ng mga bagyo.
Sa kabuuan, malaki ang paniniwala ni Mang Gusting na maihaharap sa hustisya ang mga nasa likod ng katiwalian sa pamamagitan ng matuwid na daan ni PNoy at hindi mauulit ang mga kabulastugan sa nagdaang panahon.
Laging tandaan: “Bata n’yo ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment