Ang nega! | |
Nakatutuwang isipin na “automatic” na ngayon ang pagkilos ng mga kababayan natin sa pagtulong sa mga naging biktima ng kalamidad - pagpapakita na nagmamalasakit ang marami sa atin para damayan ang mga nangangailangan.
Nang sandaling rumaragasa ang baha, naglabasan muli ang mga bayani mula sa hanay ng pamahalaan at maging sibilyan - mga taong handang isugal ang sariling kaligtasan para maisalba ang mga nasa panganib.
Sa kabila ng trahedya, makikita ang pagkakaisa at pagtutulungan ng gobyerno at sibilyan sa pagtulong sa mga nangangailangan. Sa totoo lang, sa dami ng mga naaapektuhan ng pagbaha na dulot ng Habagat, magtatagal marahil o kundi man ay sadyang mahihirapan ang gobyerno na maiparating ang tulong sa lahat ng nangangailangan.
Nakakalungkot lang na sa kabila ng pagsisikap ng pamahalaang Aquino at ng mga karaniwang mamamayan na makatulong, mayroon din naman tayong kababayan na nag-aabang ng masisilip na puna o kaya nama’y sadyang mag-iisip ng kanyang puwedeng ipuna sa gobyerno.
Gaya na lang ng pagbibigay-kulay pulitika sa pagpunta ni Pangulong Noynoy “PNoy” Aquino sa mga evacuation centers kasama ang ilang opisyal na nagkaloob din ng kanilang oras at serbisyo para makapaghandog ng tulong.
Mahirap ngang unawain ang mga taong nag-iisip ng masama sa ginagawang pagtulong ng iba sa mga nasalanta; kapag hindi kumilos o nakita si PNoy na namamahagi ng tulong - sasabihin na walang ginagawa o walang malasakit. Ngayon na nakitang nag-iikot naman at binisita ang mga nasalanta, sasabihing namumulitika.
***
Napag-usapan ang aksyon ni PNoy, kung tutuusin, nalagay pa nga sa panganib ang buhay ng Pangulo at mga kasama niya sa ginawang pagbisita sa mga evacuation centers lalo na sa Central Luzon nang mapilitang mag-emergency landing ang helicopter na sinasakyan nila dahil sa masamang panahon.
Ang dapat na itanong marahil ay kung ano na ang naibigay na tulong sa mga biktima ng kalamidad nitong mga taong mahilig mag-isip ng “negative.” Nagawa ba nila na mag-volunteer man lang o mag-empake ng mga relief goods para sa mga sinalanta?
Kahanga-hanga rin ang mga artista at mga television networks na mistulang isinantabi ang kompetisyon para makatulong sa ating mga kababayan. Mas mabuti na talaga ang tumutulong kaysa wala nang naitutulong ay nag-iisip pa ng negatibo.
Hindi lang pamamahagi ng tulong ang naging pakay ni PNoy sa pag-iikot sa mga evacuation centers - dito ay ipinaalam din niya ang mga planong gawin ng pamahalaan para maibsan ang pagbaha kung hindi man tuluyang mawala.
Kasama na rin sa pagbisita ang paghikayat sa mga tao na naninirahan sa mga peligrosong lugar na umalis na at huwag isugal ang kanilang buhay tuwing may malakas na pag-ulan. At higit sa lahat, nais ipadama ng Pangulo na kasama sila ng mga tao sa panahon ng pagsubok na hinaharap nila.
May tunay na pagmamalasakit ang administrasyong Aquino sa mga tao. Kaya naman sa kanyang pangakong hahanapan ng lunas ang problema sa pagbaha, asahan na mangyayari ito at hindi katulad ng nagdaang administrasyon na kinakitaan ng kuwestiyunableng kasunduan ang mga proyektong gagawin daw kontra sa baha.
Konting “flashback” lang - sa siyam (9) na taong panunungkulan ng nakaraang administrasyon, inabot ng siyam-siyam ang flood control project sa CAMANAVA area, pero hanggang ngayon, lubog pa rin sa baha ang naturang mga lugar.
Laging tandaan: “Bata n’yo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.” (mgakurimaw.blogspot.com)
No comments:
Post a Comment